Regional Releases

Ginanap ngayong ika-3 ng Marso ang pagpapakawala sa pitong (7) Brahminy Kites (Haliastur indus) o Lawin sa parte ng Mts. Banahaw-San Cristobal Protected Landscape sa bayan ng Lucban, Quezon. 

Bago ang pagpapakawala isang maigsing programa ang ginanap sa Southern Luzon State University (SLSU) College of Agriculture.  Ang naturang programa ay dinaluhan ng mga opisyales ng DENR CALABARZON Region na pinamumunuan ng In-Charge ng DENR CALABARZON Region at kasalukuyang Assistant Regional Director for Management Services na si For. Nelson V. Gorospe. Kasama din sina Assistant Regional Director for Technical Services, For. Alfredo C. Palencia, OIC-Conservation and Development Chief, For. Ramil J. Gutierrez, In-Charge ng Regional Wildlife Rescue Center For. Raymund F. Mercurio, For. Euprecina E. Limpiada ng Enforcement Division, at ang grupo ng Regional Strategic Communication and Initiative na pinangungunahan ni Ms. Ann Hazel D. Javier at iba pang empleyado ng DENR CALABARZON Region. Sa mga kawani naman ng PENRO at CENRO Quezon, ito ay pinangunahan ni CENRO Raymond A. Rivera, kasama sina PASU Salud M. Pangan, For. Janeth Salazar, For. Mark Adrian Mijares, For. Hernan Merilo at iba pang kawani.

Sa Lokal na Pamahalaan naman ng Lucban, Quezon, ito ay pinangunahan ni Kagagalang-galang Celso Olivier T. Dator, kasama sina Konsehala Sheila De Veza at Punong Barangay ng Ayuti, Eduardo Alamo at kanyang mga kagawad.  Dumalo rin ang Hepe ng Pulisya ng bayan ng Lucban na si PMajor Rizaldy Merene.  Sa pamunuan naman ng Southern Luzon State University, ito ay nirepresenta ni For. Francisco Beltran at For. Richard Valle. 

Ang gawain ng pagpapakawala ng siyam na lawin ay kaugnay ng pagdiriwang ng World Wildlife Day kung saan ito ay may temang “Forests and Livelihoods: Sustaining People and Planet”.  Sa buod ng mensahe ng mga nagpasinaya ng programa ay binigyang diin ang kahalagahan ng buhay-ilang sa ating ekosistema.  Ang importansya ng buhay -ilang ay tulad din ng sa mga tao.  Ang pangangalaga sa mga buhay-ilang nakakapagpanatili ng balanse ng ekosistema.  Ang Mts. Banahaw-San Cristobal Protected Landscape ay napiling lugar para sa pagpapakawala ng mga nasabing Brahminy Kites o mga Lawin dahil dito ay may tahanan o habitat ng mga Lawin.  Ang mga naturang Brahminy Kites ay iyong mga nahuli at inabandona at inalagaan at binigyan ng pansamantalang tahanan sa Wildlife Rescue Center.  Kapag ang mga ito ay malakas na, ito ay pinapakawalan upang bumalik sa kanilang natural na tahanan o habitat.

Pagkatapos ng maigsing programa ay umakyat ang grupo sa bahagi ng Mts. Banahaw-San Cristobal Protected Landscape na pinangangalagaan ng Southern Luzon State University at doon ito pinakawalan.

Ang PENRO Laguna sa pamamagitan ni Land Management Officer II Juvelyn H. Larano ng Regulation & Permitting Section ay nagsagawa ng inisyal na cascading ng Rapid Land Tenure Appraisal (RLTA) sa mga Punong Barangay ng lungsod ng San Pablo, Laguna sa Association of Barangay Chairperson (ABC) meeting na ginanap sa Lion's Club Function Hall, San Pablo City ngayong 4 Marso 2021.

Ipinaliwanag ni LMO II Larano ang mga pangunahing layunin ng mga aktibidad sa ilalim ng proyektong RLTA ng DENR. Kabilang dito ang ground assessment ng land tenure at profiling ng isang lugar upang magkaroon ng baseline data ng mga lupang maari pang mapatituluhan. Sa pamamagitan ng RLTA ay magkakaroon ang bawat taong may lupa ng seguridad sa kanilang pagmamay-ari. Mapapabilis din ang proseso ng pagpapatitulo na siyang magiging malaking tulong sa lahat ng mga lokal na komunidad na may lupang pinamomosisyunan. Maiiwasan din ang mga potential conflict sa mga lupa dahil magkakaroon ng pagtatasa at pagsisiyasat sa totoong mga nagmamay-ari o claimant nito.

Ipinahayag naman ni City Assessor Ma. Elenita Rubi B. Diaz ang mga pangunahing barangay na unang sasailalim sa barangay profiling na isasagawa ng PENRO Laguna kabilang ang Brgy. I-A, I-C, II-C, II-D, II-E, II-F, III-A at III-B. Aniya, maswerte ang lungsod ng San Pablo dahil ito ang pilot city sa Laguna kung saan isasailalim sa RLTA.

Magkakaroon pa rin ng mga susunod pang orientasyon at talakayan sa nasabing walong barangay upang lubos na maunawaan ang mga aktibidad sa ilalim ng RLTA at mga mahahalagang papel at responsibilidad ng pamunuan ng barangay upang maayos na maisagawa ang mga ito.

Nilagdaan ang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng DENR CALABARZON at Pamahalaang Bayan ng Famy, Laguna para sa Joint Implementation ng Forest Land Use Plan sa SB Hall, Famy, Laguna noong 26 Pebrero 2021.

Nagkaroon ng maikling programa na dinaluhan nina Mayor Edwin V. Pangilinan; Vice Mayor Gertrudes S. Andaya; Municipal Local Government Operations Officer (MLGOO) Mr.Tirso Alvin D. Lavina, III; Chairperson, Sangguniang Bayan Committee on Land Use Mr. Markdel A. Ferrer; Chairperson, Sangguniang Bayan Committee on Environment Ms. Charmaine P. Acomular.

Ito ay dinaluhan din nina Regional Executive Director Nonito M. Tamayo, Ramil Gutierrez - Chief Conservation and Development Division, DENR CALABARZON at PENRO Ronilo L. Salac.

Layunin ng FLUP na maproteksyunan ang mga kabundukan ng Famy, higit lalo ang mga tinatawag na mga open access areas upang ito ay magamit sa pinaka-angkop at wastong gamit nito. Ang FLUP ay magiging gabay ng lokal na pamahalaan at ng DENR upang mapanatili at maproteksyunan ang kabundukan.

Ang nilagdaang MOA ay sumisimbolo sa pinagtibay na ugnayan at partnership sa pagitan ng lokal na pamahalaan ng Famy at ng DENR CALABARZON tungo sa iisang layunin na mapangalagaan at mapanatili ang ganda ng mga kabundukan ng Famy, Laguna.

Pinangunahan ng Enforcement and Monitoring Section (EMS) ng PENRO Laguna kasama ang mga itinalagang Information Officers ang pagsasagawa ng isang Information, Education and Communication (IEC) Campaign sa mga lokal na opisyal at mamamayan ng Barangay Silangan Lazaan, Nagcarlan, Laguna noong 24 Pebrero 2021.

Ang nasabing IEC ay naglalayong maibahagi ang mga impormasyon tungkol sa mga umiiral na batas pangkalikasan. Kabilang sa mga tinalakay ang mga batas tungkol sa mga permits na ibinibigay ng DENR (tree cutting permit, certificate of tree plantation ownership, chainsaw registration, etc.) at batas kaugnay sa pangangalaga ng mga wildlife o buhay-ilang.

Ang Barangay Silangan Lazaan ay isa sa mga barangay sa Nagcarlan, Laguna na nakakasakop sa Mts. Banahaw-San Cristobal Protected Landscape (MBSCPL), isang proklamadong protected area, kung kaya patuloy ang PENRO Laguna sa pagsasagawa ng mga IEC activities sa mga barangay upang gawing aktibong katuwang sa patuloy na pangangalaga sa MBSCPL.

Narescue ang isang freshwater crocodile na may timbang na humigit kumulang 3.6 kilograms at may habang tinatayang 1.06 metro sa Brgy. San Vicente, San Pedro City, Laguna. Ito ay nai-turnover ng City Environment and Natural Resources Office (City-ENRO) San Pedro na pinamumunuan ni Ms. Marilou Q. Balba sa PENRO Laguna noong 26 Pebrero 2021.

Base sa unang pagsusuri, ang nasabing freshwater crocodile ay nasa maayos na kalagayan. Agad naman itong dinala ng PENRO Laguna personnel sa DENR CALABARZON Regional Wildlife and Rescue Center na matatagpuan sa Brgy. Lamot II, Calauan, Laguna upang doon mabigyan ng tamang pangangalaga.