Regional Releases

Isang makabuluhang araw ang naganap knoong 5 Pebrero 2021 sa tanggapan ng CENRO Sta. Cruz sapagka’t tatlong programa ang isinagawa dito. At ito ang mga sumusunod:

Una, ang panunumpa ng bagong promote na mga kawani ng PENRO Laguna at CENRO Sta. Cruz. Hamon sa kanila ang patuloy na pagbibigay ng tapat at mahusay na serbisyo publiko at patuloy na maitaas ang antas sa paglilingkod sa ating bayan.

Ikalawa, ang paglagda ng Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng Panlalawigang Pamahalaan ng Laguna at DENR para sa pook lagakan (impounding area) ng CENRO Sta. Cruz. Pinangunahan nina Governor Ramil Hernandez, Regional Executive Director Nonito M. Tamayo, PGENRO Marlon Tobias, ARD for Technical Services Alfredo Palencia, ARD for Management Services Nelson Gorospe, PENRO Ronilo Salac at CENRO Victor Mercado ang paglagda ng nasabing kasunduan. Ito ay naglalaman ng pagpayag na gamitin ang isang lupain na may sukat na 2,000 sq.m upang gawing pook lagakan ng mga kumpiskadong produkto, kagamitan, makinarya, at sasakyan ng CENRO Sta. Cruz.

Ikatatlo, sa pamamagitan ng isang Audio Visual Presentation (AVP), nailahad ang mga pinaplanong aktibidad ni CENRO Victor Mercado sa patuloy na pangloob at panglabas na pagpapalakas ng CENRO Sta. Cruz. Magkakaroon ng mga serye ng talakayan patungkol sa mga ipinapatupad na batas, polisiya at serbisyo ng DENR na nakahanay sa TOP Priority Programs ni Secretary Roy A. Cimatu.

Mayroon ding handbook na naglalaman ng iba’t ibang checklist para sa pagkuha ng mga kaukulang permits at registrations mula sa DENR. Ito ay magsisilbing gabay hindi lamang sa mga kawani ng CENRO Sta. Cruz, gayun din sa mga lokal na pamahalaan. Magsasagawa din ang CENRO Sta. Cruz ng compilation ng mga FMB Technical Bulletins, DENR Administrative Orders at iba pang polisiya upang maging gabay din sa pagpapatupad ng mga proyekto at serbisyo publiko ng DENR.

Dagdag pa rito, ay magkakaroon ng mga review sessions para sa Civil Service Commision Exam upang matulungan ang mga kawani nito na maging sariwa muli ang kanilang kaalaman at mapaghusay ang nakatakdang pagsususlit. Patuloy din ang pagpaparangal sa mga kawani nito na magpapakita ng dedikasyon at pagsisikap sa pagkamit ng mga itinakdang tungkulin.

Natapos ang nasabing programa sa pmamagitan ng pagtalakay ni Ma’am Geneva Litan sa unang paksa para sa Management Services na Coaching Plan and Coaching form for DENR Employees.

Isang malawakang pagtatanim ng bakawan sa Nasugbu Batangas ang isinagawa ng CENRO Calaca sa pangunguna ni DENR CALABARZON Regional Executive Director Nonito M. Tamayo kasama ang mga kawani ng pribadong kumpanya na ZAMA Precision Industry Manufacturing Philippines Inc. at Local Governent Unit ng Brgy. Onse Nasugbu, Batangas ngayong araw ng Sabado, ika-6 ng Pebrero 2021.

Ilan pa sa mga kalahok sa nasabing aktibidad ay ang OIC- CENRO Calaca, Isagani Amatorio; Mayor ng Nasugbu, Antonio Barcelon; MENRO Nasugbu Francisco Amuyo, Kapitan ng Brgy Onse, Yolanda Macapagal; at Ronald Wienholts na bise-presidente ng ZAMA.

Ang aktibidad na ito ay kasama sa kasunduang ginanap noong ika-5 ng Pebrero sa pagitan ng DENR at ng ZAMA sa ilalim ng programang National Greening Program at platapormang "Tayo ang Kalikasan" kung saan ang nasabing kumpanya ay naglalayong mataniman ang limang (5) ektaryang graduated mangrove NGP site sa Nasugbu.

Nasa 2,500 na punla ng Bakauan lalake (Rhizophora apiculata), Bakauan Babae (Rhizophora mucronata) at Bakauan bato (Rhizophora stylosa) ang naitanim sa nasabing aktibidad.

Ang DENR ay patuloy na nanghihikayat sa ibat-ibang mga grupo at indibidwal na makiisa sa pagprotekta at pangangalaga ng kalikasan sa pamamagitan ng pakikipagugnayan at paglahok sa mga aktibidad pangkalikasan.

Isang kasunduan ang nilagdaan sa pagitan ng Department of Environment and Natural Resources CALABARZON at ZAMA Precision Industry Manufacturing Philippines Inc. ngayong ika-5 ng Pebrero, 2021, na ginanap sa opisina ng DENR sa Brgy. Mayapa, Calamba, Laguna.

Ang kasunduang ito sa ilalim ng platapormang “Tayo and Kalikasan” ay pinangunahan ng Regional Executive Director ng DENR CALABARZON na si Nonito M. Tamayo at ng Bise-presidente ng ZAMA Precision Industry Manufacturing Philippines Inc. na si Ronald Wienholts. Ito ay naglalayong makapagtanim sa limang ektaryang plantasyon ng mangrove na matatagpuan sa Brgy. Onse, Nasugbu, Batangas na isang graduated National Greening Program site na nakapaloob sa jurisdiksyon ng DENR-CENRO Calaca.

“Why are we here today? For the mangroves, for the adoption and planting, that’s about giving back... a long-term commitment that will help in saving our planet for future” pahayag ni Mr. Wienholts, kung saan ginagawa raw nila ito para sa kalikasan, sa kanilang mga empleyado at sa lokal na komunidad upang mabigyan ang mga ito ng maganda at maayos na buhay.

Ang programang “Tayo ang Kalikasan” ay naglalayon ng panunumbalik, rehabilitasyon at pagunlad na humihikayat sa ibat-ibang mga grupo at indibidwal na makiisa sa pagprotekta at pangangalaga ng kalikasan sa pamamagitan ng pakikipagugnayan sa DENR sa mga aktibidad pangkalikasan kagaya ng pagtatanim ng mga puno.

“We hope this will just be the beginning, we will be very glad if you get back in the future for an additional area” panghihikayat ni RED Tamayo upang mas dumami pa ang inisyatibo sa pagpapalagong muli ng nasirang kagubatan.

Simula taong 2020, ang DENR-CENRO Calaca ay may nalagdaan ng walumpung (80) ektaryang NGP site na ipinagkasundong taniman ng ibat-ibang pribadong kumpanya.

Pinangunahan ng DENR CALABARZON ang selebrasyon ng “World Wetlands Day” sa pamamagitan ng paglilinis at pagtatanim ng bakawan sa ilog ng Lico sa Nasugbu, Batangas noong ika-2 ng Pebrero, 2021.

Ang nasabing aktibidades ay naglalayon na makapagbigay ng kaalaman sa importansya at tamang pangangalaga ng wetlands. Ito ay nilahukan ng mahigit 100 boluntaryo mula sa probinsyal at local na Pamahalaan ng Batangas sa pangunguna ni Vice Governor Mark Leviste at Mayor Antonio Barcelon; mga opisyal ng DENR sa pangunguna ni Regional Executive Director, Nonito Tamayo; PENR Officer ng Batangas, Noel Recillo; at CENR Officer ng Calaca, Isagani Amatorio; mga empleyado ng FastCat na isang pribadong kumpanya; PNP Maritime Group; mga residente ng Brgy. Wawa sa pangunguna ni Kapitan Vincent Atienza; at mga residente Brgy. Pantalan, Nasugbu, Batangas.

Ayon sa bise-gobernador Leviste, “Dahil sa pagtatanim ng mangroves at paglilinis ng ilog ay mas dadayuhin pa tayo ng mga buhay-ilang”, binanggit din niya ang mga possibleng benepisyo ng lugar na ito sa larangan ng turismo.

Binanggit naman ni RED Tamayo ang kahalagahan ng wetlands at isa narito ay ang pagbibigay ng tahanan sa mga buhay-ilang kagaya ng mga ibon. “Mahigit 40% ng wildlife specially birds, ang naninirahan sa wetlands” kaya naman, hinihikayat din niya ang mga pribadong sector at iba pang ahensya ng gobyerno na lumahok sa mga ganitong uri ng aktibidad para sa kalikasan upang maibalik ang dating malagong kagubatan.

Ang mga boluntaryo ng nasabing aktibidad ay nakapaglinis ng higit kumulang 80 pirasong sako ng basura sa isang kilometrong baybaying ilog , at nakapagtanim ng anim na daang Kalapinay/Api-api (Avicennia marina).

Isang Philippine Scops Owl (Otus megalotis) ang naiturn-over sa PENRO Laguna noong Enero 22, 2021. Sa pamamagitan ng DENR CALABARZON Action Center, ipinagbigay-alam at isinurrender ni Gng. Elizabeth B. Salonga ng Brgy. Pittland, Cabuyao City, Laguna ang nasabing kwago.

Ayon kay Gng. Salonga, ito ay napadpad lamang sa kanilang lugar at minabuting sa DENR ibigay sa takot na baka patayin lamang ng iba kung ito ay basta na lamang pakakawalan.

Muli, ang PENRO Laguna po ay nananawagan sa publiko na magreport kung meron mang sightings ng mga wildlife o buhay ilang sa inyong lugar o may-alam na ilegal na nag-aalaga o nagbebenta nito. Maaari po kayong tumawag sa numerong 049 536 5889, o mag-email sa This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it. / This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it. o magbigay ng mensahe sa official Facebook page ng DENR CALABARZON.

Magtulungan po tayong pangalagaan ang ating mga buhay-ilang!