Press Releases

Ang Task Force Build Back Better na pinamumunuan ni DENR Secretary Roy A. Cimatu, sa pamamagitan ng DENR CALABARZON, ay patuloy na nakatutok sa pagpapaigting ng mga gawain sa Upper Marikina River Basin Protected Landscape (UMRBPL). Masusing iniimbentaryo ang mga illegal na istruktura sa loob ng Protected Area at easement nito. Ang easement ay nagsisilbing buffer zone para sa daanang tao at animal towpath at ito ay dapat walang balakid na istruktura upang makadaloy ng husto ang tubig.

Nagbigay na ng direktiba si DENR CALABARZON Regional Executive Director Nilo B. Tamoria, na nagsisilbi din bilang UMRBPL Protected Area Management Board Chairperson, sa Protected Area Superintendent na bisitahin ang kalagayan ng illegal settlers at makipag ugnayan sa LGUs at iba pang ahensiya para sa relocation ng mga ito.

Mariin ding inilahad ni RED Tamoria na ang walang kaukulang clearances at permits mula sa PAMB at iba pang ahensiya ng gobyerno ay kailangang sumunod sa batas, ayon sa Expanded National Integrated Protected Areas Act (eNIPAS) or RA 11038. Mahigpit na ipatutupad ang batas sa loob ng UMRBPL dahil malaki ang papel ng nasabing Protected Area bilang watershed na nakakaapekto sa kalakhang Maynila.

Sa kasalukuyan ay nais tutukan ng Task Force BBB ang Flood Mitigation at Intensified Watershed Management sa nasabing Protected Area (PA). Sa ilalim ng National Greening Program ay tataniman ng native na punong kahoy sa mahigit 300 ektarya ng UMRBPL. Samantalang sa Easement Recovery naman ay tataniman ng bamboo ang 100 na kilometro o higit sa 800 ektarya ng riverbank. Malaki ang maitutulong ng bamboo sa riverbank stabilization, para maiwasan ang pagguho ng mga lupa at pagsama nito sa malakas na agos tuwing may ulan at bagyo. Isa pang magandang katangian ng mga bamboo ay madali itong umusbong muli kahit ito ay maputol. May nakalaan na 11 milyong piso para sa 11 People’s Organization upang sila ay maging katuwang sa pagpapalago at pagtatanim sa lugar.

Pakikipag ugnayan sa People’s Organization ukol sa implementasyon ng stream bank stabilization sa UMRBPL,  larawan mula sa PENRO Rizal

Pakikipag ugnayan sa People’s Organization ukol sa implementasyon ng stream bank stabilization sa UMRBPL,

larawan mula sa PENRO Rizal

 

Hinihikayat ng DENR CALABARZON ang publiko na makiisa sa laban para sa ating kapaligiran. Para sa may mga sumbong ukol sa ilegal na gawain na may kaugnayan sa kalikasan ay maaaring tumawag o magbigay ng mensahe sa 8888 hotline numero 09561825774/ 09198744369 at Trunkline No. (049) 540-DENR (3367) / (049) 554-9840 - 48 local - 121. Ang mga litrato, bidyo, at iba pang impormasyon ay maaari ring ipadala sa opisyal na Facebook page ng DENR CALABARZON:  https://www.facebook.com/DENR4AOfficial/.  ###

Calamba City, Laguna - Ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) CALABARZON ay patuloy ang implementasyon ng mas pinaigting na forest protection at watershed management para sa Upper Marikina River Basin Protected Landscape (UMRBPL) sa probinsya ng Rizal. Ito ay ayon sa ulat ni Nilo B. Tamoria, ang bagong talagang Regional Executive Director ng DENR CALABARZON, sa ika-15th pagpupulong ng Task Force Build Back Better na pinamumunuan ni DENR Secretary Roy A. Cimatu, na ginanap online nito lamang May 20, 2021. Si RED Tamoria ay dating Environmental Protection and Enforcement Task Force Executive Director, na ngayon ay uupo din bilang Chairperson ng UMRBPL Protected Area Management Board.

Ang Task Force BBB ay isang kolaborasyon ng iba’t ibang ahensya para sa mas pinatibay na pakikipagtulungan sa isa’t isa. Ito ay gumagamit ng “whole of government approach”, kung saan lahat ng ahensya ay handang umalalay sa lahat ng kasapi rito. Ito ay naisakatuparan ayon sa Executive Order No. 120 na may layuning paigtingin at pagtibayin pa ang mga inisyatibo ng DENR ukol sa rehabilitasyon at recovery efforts para sa mga typhoon hit areas sa buong bansa.

Ang Rizal ay mayroong apat (4) na Protected Area (PA). Ito ay ang  (1) Pamitinan Protected Landscape na may 609.15 ektarya, (2) Hinulugang Taktak Protected Landscape na may 3.2 ektarya, (3) Kaliwa Watershed Forest Reserve na may 35,150 ektarya, at ang (4) UMRBPL na may area na 26, 125.64 ektarya. Nais bigyang importansya ng probinsya ng Rizal ang UMRBPL dahil konektado ito sa Marikina River, na siyang kadalasang pinagmumulan ng malaking bolyum ng tubig na dumadaloy sa lungsod ng Maynila. Nasa loob din ng UMRBPL ang sikat na rock formation  na Masungi Karst o kilala sa tawag na “Palanas” sa mga taga Tanay, Rizal.

Inilatag ni RED Tamoria ang mga kasalukuyang mga ginagawa ng ahensya sa UMRBPL na tumutugon sa Forest Protection, kalahok ang iba’t ibang sangay ng ahensya ng gobyerno gaya ng Environmental Protection and Enforcement Task Force, National Bureau of Investigation, Philippine National Police, atbp.

Sa kasalukuyan ay may karagdagang 60 na bantay gubat ang nabigyan ng trabaho ng PENRO Rizal sa mga bayan ng Rodriguez, Antipolo City, at San Mateo upang mag patrolya sa kalakhan ng PA. Dagdag pa rito ay ang paggamit ng teknolohiya upang makatulong “sa epektibong pamamahala ng watershed, pinangangalagaang pook, at sa mga kagubatan. Sa pamamagitan ng drone at iba pang teknolohiya ay mas mababantayan at makakapag plano tayo ng mahusay at makakakuha tayo ng up to date na data batay sa output ng mga equipment na ito”, ani RED Tamoria.

Samantala, labing anim (16) na tao na ang naaresto at sinampahan ng kaukulang kaso sa paglabag sa Section 20 ng RA 7586 o NIPAS Act, tulad ng susugan ng RA 11038 o Expanded NIPAS Act. Kaugnay ng isyu ukol sa at ilegal na mga istruktura sa loob ng nasabing Protected Area, ang DENR CALABARZON katuwang ang DENR Environmental Protection and Enforcement Task Force at ang National Bureau of Investigation, ay nagkaroon na ng ilang joint operations upang imbestigahan at masiguro ang kaayusan sa loob ng nasabing Protected Area. Sa kasalukuyan ay 68 Show Cause Orders na ang naibigay sa mga imprastraktura, commercial business, at mga babuyan na walang permit.

Ayon sa batas ay ipinagbabawal ang pagtatayo ng kahit anong imprastraktura, at bakod sa loob ng kahit anong PA. Kasamang ipinagbabawal din ay ang pag ooperate ng kahit anong business enterprise sa loob ng kahit anong protected area ng walang kaukulang clearance mula sa Protected Area Management Board (PAMB) at permit mula sa DENR at LGUs. Alinsunod sa Section 21 ng parehong batas, may kaukulang multa ang paglabag nito na nasa isang milyon hanggang 5 milyong piso, at pagkakakulong ng anim (6) na taon hanggang 12 na taon.

 

Demolisyon ng mga ilegal na istruktura at bakod sa UMRBPL, larawan mula sa Environmental Protection and Enforcement Task Force

Demolisyon ng mga ilegal na istruktura at bakod sa UMRBPL,

larawan mula sa Environmental Protection and Enforcement Task Force

 

Kasado na din ang mga gawaing magpapaigting sa Watershed Management sa naturang Protected Area.

Hinihikayat ng DENR CALABARZON ang publiko na makiisa sa laban para sa ating kapaligiran. Para sa may mga sumbong ukol sa ilegal na gawain na may kaugnayan sa kalikasan ay maaaring tumawag o magbigay ng mensahe sa 8888 hotline numero 09561825774/ 09198744369 at Trunkline No. (049) 540-DENR (3367) / (049) 554-9840 - 48 local - 121. Ang mga litrato, bidyo, at iba pang impormasyon ay maaari ring ipadala sa opisyal na Facebook page ng DENR CALABARZON:  https://www.facebook.com/DENR4AOfficial/.  ###

Calamba City, Laguna – Pormal na tinanggap ng bagong DENR CALABARZON Regional Executive Director (RED) Nilo B, Tamoria ang kanyang katungkulan ngayong 10 Mayo 2021 sa DENR CALABARZON Regional Office sa Brgy. Mayapa, Calamba City.

Si RED Tamoria ay may hawak na Engineering degree mula sa Lyceum of the Philippines. Siya rin ay Conferred Honorary Alumnus ng College of the Forestry and Natural Resources Alumni Association of the University of the Philippines - Los Baños. Siya ay Career Executive Officer III at naging RED ng Region XII at NCR. Siya rin ay nagsilbi bilang Deputy Head ng Task Force Sagip Kalikasan at Director for Special Concerns. Bago siya muling naging RED ng CALABARZON, si Director Tamoria ang Executive Director ng Environmental Protection and Enforcement Task Force (EPETF). 

 “Dala dala ko po ang aking dagdag na eksperyensya sa lahat ng aking dinaanan, magmula noong panandalian kong iwan ang Region 4A. Napakarami at napakayaman pong mga karanasan sa usapin ng pagpapalakad at pamumuno sa ating ahensya sa sa iba’t ibang kapasidad.” Ani RED Tamoria. 

Ang karanasan ni RED Tamoria sa larangan ng Enforcement ay mariin ding binanggit at pinahalagahan ni Assistant Regional Director for Technical Services Alfredo C. Palencia sa kanyang talumpati, “We are looking forward to your value addition in our Enforcement strategies. We look forward to a strategic strengthening of our skills in this area. We also recognize your experience in community organizing and stakeholder engagement as well. Looking forward din po kami diyan.” 

Si RED Tamoria ay nauna nang itinalagang RED ng CALABARZON mula 2008 hanggang 2011. Siya ay muling itinalaga bilang RED alinsunod sa DENR Special Order No. 2021-223 na pinirmahan ni Secretary Roy A. Cimatu noong May 3, 2021.

“I commit to organize, manage, and utilize all our resources as we navigate the new normal. I aim for the improvement not only of our services, but most importantly, of our workforce.” Dagdag pa ni RED Tamoria.

Pinarating din ni DENR Undersecretary for Field Operations and Environment Juan Miguel Cuna, ang kanyang buong suporta sa pamumuno ni Director Tamoria at sa buong DENR CALABARZON. ###

Alinsunod sa PAMB Resolution No. 49, Series of 2018 at PAMB Resolution No. 63, Series of 2019, ang buwan ng Marso at Abril ay naitalang closed season para sa paghuli ng tawilis. Alinsunod sa mga resolusyon na ito ay mahigpit na ipinagbabawal ang panghuhuli, pagbebenta, pagkalakal, pakikipagtransaksyon, pagbibiyahe, at pagdadala ng tawilis habang umiiral ang closed season.

Kasama rin sa mga inisyatibo na ito ay ang regular na pagmomonitor ng Taal Lake, at pakikilahok ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno, tulad ng DENR, NFDI, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), lokal na pamahalaan, at iba’t ibang organisasyon para sa mahigpit na implementasyon ng closed season. Hinihikayat din ang iba’t ibang akademya para sa pagsasagawa ng mga pag-aaral para sa rehabilitasyon at pagdaming muli ng Tawilis.                                                                                                                                                                                                             

Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), nasa 497 metric tons  na lamang ang bolyum ng pagdami ng tawilis para sa taong 2020. Ito ay higit na mababa sa naitalang pinakamataas ng bolyum ng tawilis noong 2017 na 1,342.17 metric ton. Patuloy na ipapatupad ang pagkakaroon ng closed season para sa tawilis hanggang sa mga susunod na taon.

Ang lahat ay hinihikayat DENR CALABARZON para mag report ng mga establisyementong o mga tindahan na nagbebenta ng Tawilis habang closed season. Maaari ring ipagbigay sa DENR ang sinomang ilegal na nanghuhuli ng tawilis.

Ang Sardinella Tawilis, o mas kilala bilang tawilis ay naitala ng International Union for Conservation of Nature (IUCN) bilang endangered species noong 2019.

Para sa may mga sumbong ukol sa ilegal na gawain na may kaugnayan sa kalikasan ay maaaring tumawag o magbigay ng mensahe sa 8888 hotline numero 09561825774/ 09198744369. Ang mga retrato, bidyo, at iba pang impormasyon ay maaari ring ipadala sa opisyal na Facebook page ng DENR CALABARZON:  https://www.facebook.com/DENR4AOfficial/.  ###

Calamba City, Laguna - Ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) CALABARZON kaakibat ang Environmental Management Bureau (EMB) CALABARZON, ay magpapamigay ng 14 yunit ng vertical barrel garden sa EMB 4A, MGB 4A, at sa lahat ng Provincial Environment and Natural Resources Office sa Rehiyon. Ang inisyatibo na ito ay nakalinya sa selebrasyon ng Earth Day 2021 na ipinagdiriwang tuwing 22 Abril 2021. Ang buwan ng Abril ay kinikilala rin bilang Month of the Planet Earth.

Layunin ng inisyatibo na ito ang magkakaroon ng kani-kaniyang barrel garden ang MGB 4A, EMB 4A, at ang PENR Offices ng DENR CALABARZON, para maitaas ang kaalaman ng bawat opisina sa paghihiwalay  ng basura, pagkokompost, paghahalaman, at paggamit ng 3Rs. Layunin din nito na mabawasan ang basura na maaaring makapasok sa mga ilog na konektado sa Manila Bay.

04 April Press release emb

 

Isa pang inisyatibo ng DENR CALABARZON ay pagsasagawa ng mga lektyur ukol sa Ecological Solid Waste Management of 2000 o ang RA 9003, sa pamamagitan ng Manila Bay Site Coordinating/Management Office-4 (MBSCMO-4). Ang lektyur na ito ay dinaluhan ng lahat ng dibisyon sa loob ng DENR CALABARZON. Nilalayon ng inisyatibo na ito na maging “refresher course” sa lahat ng empleyado ng ahensya.

Dagdag pa rito ang patuloy na pangangalaga sa nature garden at ang pagtatayo ng Material Recovery Facility (MRF) sa ahensya.

04 April Press release denr

Ayon sa datos ng EMB 4A, sa tulong ng pagkokompost at sa paghihiwalay ng basura, maaaring bumaba mula 4,700 tonelada ng basura ang naiipon sa rehiyon, hanggang 1,291.66 tonelada kada araw.

Hinihikayat ng DENR CALABARZON ang publiko na simulan na rin ang pagtatayo ng eco garden gamit ang mga patapong bagay at nabubulok na basura para sa ikagaganda ng kapaligiran. Maaari rin kayong makipag-ugnayan sa DENR CALABARZON ukol sa pagrequest ng seedlings. Para sa may mga sumbong ukol sa ilegal na gawain na may kaugnayan sa kalikasan ay maaaring tumawag o magbigay ng mensahe sa 8888 hotline numero 09561825774/ 09198744369. Ang mga retrato, bidyo, at iba pang impormasyon ay maaari ring ipadala sa opisyal na Facebook page ng DENR CALABARZON:  https://www.facebook.com/DENR4AOfficial/.  ###