Calamba City, Laguna - Noong ika-10 ng Agosto 2023, pinangunahan ni Regional Executive Director Nilo B. Tamoria ang malugod na pagtanggap sa Management Board Members ng Ninoy Aquino Parks and Wildlife Center (NAPWC) sa kanilang aktibidad na experiential learning. 

Bago simulan ang kanilang dalawang araw na gawain ay nagkaroon ng maikling programa sa tanggapan ng DENR CALABARZON upang pormal na pasinayahan ang pagbisita sa rehiyon. Nakatakdang bisitahin ng grupo ang Taal Volcano Protected Landscape (TVPL) sa Batangas, at ang Mts. Palay-Palay-Mataas-Na-Gulod Protected Landscape (MPPMNGPL) sa Cavite. 

Sa mensahe ni RED Tamoria, ibinahagi niya na siya ay naging dating Regional Executive Director ng National Capital Region sa loob ng pitong buwan mula Nobyember taong 2011 hanggang sa Hunyo ng 2012. “Noong panahong iyon ay hindi pa ganap na protected area (PA) ang NAPWC. Ito ay ginagawa lamang na Rescue Center, at nandoon ang tanggapan ng Protected Areas and Wildlife Bureau, ngayon ay Biodiversity Management Bureau (BMB) na. Ang mina-manage pa noon na protected area sa NCR ay dalawa lamang, ang Las Piñas-Parañaque Critical Habitat and Ecotourism Area (LPPCHEA) bilang initial component at ang La Mesa Watershed Reservation Area” saad ni Tamoria.

Idinagdag pa ni Tamoria na sa pagpasa ng Republic Act  11308 o ang Expanded National Integrated Protected Area System (eNIPAS) ay kabilang ang LPPCHEA at NAPWC sa 94 sites na idineklara bilang Legislated Protected Areas.

“Kakaiba ang NAPWC sapagkat ito ay nasa loob ng isang urban ecosystem at wala itong kinabibilangan na kategorya ng mga PAs (gaya ng Protected Landscape, Wilderness Area, at iba pa) ngunit isang malaking bagay na magkaroon ng isang PA sa loob ng isang urban ecosystem, at ito ang malaking hamon sa Board” ibinahagi ni Tamoria. 

Bukod doon, binigyang papuri ni RED Tamoria ang grupo sa pangunguna ng kanilang Chairperson na si RED Jaquelyn Caancan sa pagsasagawa ng experiential learning  sa TVPL at MPPMNGPL upang mapagkunan ng karanasan na malatutulong sa pagpapatibay ng kanilang PA Management Board (PAMB).

Samantala, pinasalamatan ni Brian Daniel Poe-Llamanzares, ang Chief of Staff (COS) ng tanggapan ni Senador Grace Poe-Llamanzares, ang DENR CALABARZON sa mainit na pagtanggap, aniya “I am here to show the commitment of our office, our responsibility as part of NAPWC, and I thought the initiatives of this group to do immersions like this is to be able to see some of our commitments towards environmental sustainability and protecting the natural beauty of the Philippines.” 

Dagdag pa ni COS Llamanzares “I am happy to be here, happy to learn from everyone here today and furthering our commitment and office’s support to NAPWC and also the DENR.”

Ang aktibidad (experiential learning) ay naglalayong makapagbigay ng pagkakataon sa mga miyembro ng NAPWC Board sa pakikipag-ugnayan sa pamamahala ng iba pang PA upang matukllasan ang mga estratehiya at proyektong maaaring gayahin sa NAPWC. 

Kasama sa aktibidad na ito sina Protected Area Superintendent (PASu) Melody Ann Malano ng NAPWC; G. Brian Daniel Poe- Llamanzares, PhD, Chief of Staff sa tanggapan ni Senador Grace Poe;  Bb. Arceli “Cel” M. Tungol, ang tagapagtatag ng organisasyong Philippine Native Tree Enthusiasts; mga kinatawan mula sa ibang ahensya ng gobyerno gaya ng National Economic and Development Authority (NEDA), Department of Science and Technology (DOST), Department of Agriculture (DA), at Office of the Civil Defense (OCD). Kasama rin ang mga piling empleyado ng BMB at DENR CALABARZON. 

Naroon din sa programa sina Assistant Regional Director ng Technical Services Jose Elmer C. Bascos; Atty. Ma. Carolane P. Gonzales, ang kasalukuyang hepe ng Conservation and Development Division; Judaline A. Fabro ng Regional Strategic Communication and Initiatives Group; at Chief of Staff Victor Ombajino sa tanggapan ni RED Tamoria.