Sta. Rosa City, Laguna – Kaugnay ng taunang selebrasyon ng International Coastal Clean-Up (ICC) Day tuwing ikatlong Sabado ng Setyembre, nag-organisa ng isang clean-up activity ang PENRO Laguna sa pangunguna ng Manila Bay Site Coordinating Management Office (MBSCMO) – Laguna at City Environment and Natural Resources Office (City ENRO) – Sta. Rosa City, Laguna na ginanap noong 16 Setyembre 2023 sa Brgy. Aplaya, Sta. Rosa, Laguna. 

Tinatayang 115 na mga kalahok mula sa iba’t-ibang ahensya ng gobyerno, pribadong kompanya at iba pang mga organisasyon ang tumulong na malinis ang kahabaan ng Sta. Rosa River. Ayon sa City ENRO Biñan, humigit-kumulang 1,792 kilo ng basura ang nakolekta sa nasabing clean-up activity.

Ang tema ng selebrasyon ngayong taon ng ICC ay “Clean Seas for Healthy Fisheries: Sustainably Feed the Global Population”. Kabilang sa mga lumahok ang Toyota Motor Philippines School of Technology, EHS Prime Leaders and Professionals, Asia Brewery Inc., Mitsubishi Motors Philippines Corporation, MPCALA Holdings Inc., (CALAX), St. James Hospital, Inc., BJMP Sta. Rosa City Jail, Dita Youth Organization, DRRM Sta. Rosa, FMAG, Laguna Climate Change Adaptation and Mitigation Office, PNP, PNP-EOD/K9 Group and Task Force Linis ng Barangay Pulong Sta. Cruz.

Sa 1,792 kilos basurang nakolekta sa nasabing aktibidad, 896 kilos nito ay ang nabubulok, 538 kilos ay construction wastes at ang natitirang 358 kilos ay mga residuals. Ang Biñan River ay isa sa 12 major rivers sa lalawigan ng Laguna na siyang tinututukan ng MBSCMO sa ilalim ng programang Manila Bay Rehabilitation. Ito ay may kabuuang 3,000 metro kwadrado na nasasakupan ng Barangay Aplaya at Sinalhan sa siyudad ng Santa Rosa.

Ang International Coastal Clean-Up o ICC ay ipinagdiriwang tuwing ikatlong Sabado ng buwan ng Setyembre, na pinagtibay ng Presidential Proclamation No. 470 na nilagdaan taong 2003 ni dating Pangulo Gloria Macapagal-Arroyo. Ang ICC ay isang global initiative simula pa noong 1986 ng isang non-government organization na tinatawag na The Ocean Conservancy (TOC) na nakabase sa Washington D.C., USA. ###