TAYABAS CITY, Quezon –  Pinagtibay ng lagda ng mga opisyal ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) CALABARZON ang dalawang (2) Memorandum of Agreement (MOA) kaugnay sa implementasyon ng Forest Land Use Plan (FLUP) sa dalawang munisipyo ng Quezon ngayong 16 Agosto 2021. Ito ay para sa mga bayan ng Sampaloc at Tayabas City. Nauna ng lumagda ang mga bayan ng San Andres at Gumaca nang kasunduan upang magsagawa ng pagpaplano at implementasyon tungkol sa pangangalaga ng kani-kanilang kagubatan at likas na yaman. Sa buong probinsya, labing siyam (19) na sa tatlumpu’t-siyam (39) na bayan ang may FLUP.

Nakasaad sa pinirmahang kasunduan ang ilang detalye gaya na lamang ng magkasamang pagpapatupad ng proteksyon, tamang paggamit, pagpapaunlad at pamamahala ng mga kagubatan nito, kabilang rin ang pagpapatupad ng mga batas at regulasyon tungkol dito.

Ang FLUP ay isang estratehiya na naglalayong mapangalagaan ang remaining forest land o kagubatan at tenured instrument ng isang bayan sa pamamagitan ng maayos at likas-kayang pamamahala nito. Ang FLUP ay isang mahalagang bahagi ng Comprehensive Land Use Plan (CLUP).  Ani ni DENR CALABARZON Regional Executive Director Nilo B. Tamoria, ‘’ang plano (FLUP) ang gabay ng Local Government Units  tungo sa sustainable development at para ma-address ang issues ng Climate Change. Ang DENR ang magbibigay ng tulong para sa ecosystems based approach at upang siguruhin na science-based ito.”

Sa Sampaloc ay pinapahalagahan ang watershed bilang pinagkukunan ng tubig at para din sa ecotourism at agroforestry. Sinabi ni Mayor Noel Angelo Devanadera na, “ang development ay hindi lamang infrastructure, puwede ang long term conservation ng forestlands. Katuwang ang DENR, we would like to be an example of one with carefully planned forest land and co-manage it with DENR. With an appropriate plan, maximizing the power of the LGU, investors will come in.

Lumagda rin para sa implementasyon ng FLUP ang Lokal na Pamahalaan ng Tayabas City noong sa 16 ng Agosto 2021. Binigyang diin ni Vice Mayor Manuel Victorio Maraig na ang FLUP ay isang paraan ng pagtalima sa Article II, Section 18 ng Philippine Constitution na nag saad na, "the State shall protect and advance the right of the people to a balanced and healthful ecology in accord with the rhythm and harmony of nature."

Paglagda ng MOA para sa implementasyon ng FLUP sa Tayabas, Quezon

Paglagda ng MOA para sa implementasyon ng FLUP sa Tayabas, Quezon

Kasabay ng pag-unlad ng Tayabas, sisiguraduhin nating umuunlad rin ang ating environment.” ani City Environment and Natural Resource Officer na si Melvin Rada na isa sa mga tumulong upang mabuo ang Forest Land Use Plan nito.

Binanggit ni RED Tamoria na ang bahagi ng Mt Banahaw San Cristobal Protected Landscape bilang isang pinangangalagaang pook na matatagpuan sa Tayabas City ay mayroon ding Management Plan na hiwalay pa sa FLUP. Dapat din na sundin ang plano nito. Binigyang diin naman niya naang mas mahalagang hamon ngayon ay ang pagsasagawa kung ano ang nakasaad sa mga planong ito.

Ang dalawang paglagda na ito ay parehong naglalayong proteksyunan ang kagubatan lalo’t higit ang mga open access o mga bahagi ng kagubatang maaaring masira kung mapababayaan. Ito ay magsisilbing paunang hakbang pa lamang sa pagpapatuloy ng mga gawaing may kinalaman sa pagbuo ng FLUP at pagpapatupad nito.

Sa taong ito, ang mga bayan ng Burdeos, Buenavista, Candelaria, at Gumaca ang ilan pa sa sasailalim sa pagbuo ng FLUP kasama ang DENR. Dagdag pa rito, nagsimula na rin ang Lucena at Unisan para sa pagbuo ng kanilang mga FLUP.

Para sa mga LGU na interesado sa pagsasagawa ng kanilang FLUP, maaari kayong makipag ugnayan sa pinakamalapit ng DENR Office. Hinihikayat ng DENR CALABARZON ang publiko na makiisa sa laban para sa ating kapaligiran. Para sa may mga sumbong ukol sa ilegal na gawain na may kaugnayan sa kalikasan ay maaaring tumawag o magbigay ng mensahe sa 8888 hotline numero 09561825774/ 09198744369 at Trunkline No. (049) 540-DENR (3367) / (049) 554-9840 - 48 local - 121. Ang mga litrato, bidyo, at iba pang impormasyon ay maaari ring ipadala sa opisyal na Facebook page ng DENR CALABARZON:  https://www.facebook.com/DENR4AOfficial/.  ###