Isang pagpupulong kaugnay ng pagpapaigting ng proteksyon sa Marikina Watershed ang inilunsad ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Undersecretary for Enforcement Benito De Leon,  Environmental Law Enforcement Protection Service (ELEPs) Director Reuel Sorilla,  DENR CALABARZON Regional Executive Director Nilo Tamoria, In-Charge of Rizal PENR Office Forester Ernesto Diso, at mga miyembro ng militar at Philippine National Police Provincial Office.

Sa kasalukuyan ay binibigyang importansya ang patuloy na pagpapaigting ng Republic Act No. 11038 o ang ENipas Act sa loob ng Upper Marikina River Basin Protected Landscape. Isinaalang alang ang kaligtasan ng mga kawani ng DENR kasama ang mga bantay gubat sa pinangangalagaang pook, kaya naman humiling ng dagdag na puwersa ang DENR mula sa Armed Forces at PNP. 

Patuloy rin ang inisyatibo para sa paggawad ng mga Deputized Environment and Natural Resources Officers (DENROs) mula sa mga katuwang na mga ahensiya. Kaugnay nito, isang training activity ang isasagawa sa pamumuno ng Office of the Undersecretary for Enforcement at ELEPS na dadaluhan ng mga kawani mula sa Field Offices ng DENR, PNP, AFP, LGU, at iba pa. Ayon kay DENR CALABARZON Regional Executive Director Nilo B. Tamoria, nilalayon ng aktibidad na bigyang diin ang pag intindi sa iba’t ibang batas pangkalikasan at magkakaroon din ng hands-on activity kaugnay naman ng pagsasagawa ng first aidwood counting at identification, at paggamit ng mga armas para sa self defense.

Sa mga darating na araw ay mas magkakaroon na ng mas mataas na presensiya sa mismong lugar, ang mga ahensiyang nabanggit. Ito ay tinitingnan bilang hadlang sa sinuman na gagawa ng mga ilegal sa naturang lugar.

Dagdag pa rito, patuloy ang pagsasagawa ng sarbey at imbentaryo ng Protected Area Superintendent ng Upper Marikina River Basin Protected Landscape para sa tenured migrants sa loob ng protektadong pook. Alinsunod sa ENipas Act, ang tenured migrants ay mga residente sa loob ng isang protektadong pook na naninirahan na sa lugar limang (5) taon bago pa man maideklara ang lugar bilang isang protektadong pook. 

Ang pagpupulong ay isinagawa ng may ibayong pag-iingat at pagtalima sa mga minimum protocols / health standards na ibinaba ng Inter-Agency Task Force kaugnay sa COVID-19

Hinihikayat ng DENR CALABARZON ang publiko na makiisa sa laban para sa ating kapaligiran. Para sa may mga sumbong ukol sa ilegal na gawain na may kaugnayan sa kalikasan ay maaaring tumawag o magbigay ng mensahe sa 8888 hotline numero 09561825774/ 09198744369 at Trunkline No. (049) 540-DENR (3367) / (049) 554-9840 - 48 local - 121. Ang mga litrato, bidyo, at iba pang impormasyon ay maaari ring ipadala sa opisyal na Facebook page ng DENR CALABARZON:  https://www.facebook.com/DENR4AOfficial/.  ###