Naganap ang seremonya ng paglagda ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) CALABARZON at ng Munisipalidad ng Nasugbu, Batangas ukol sa pagbalangkas ng Forest Land Use Plan (FLUP) noong ika-20 ng Marso, 2023. Ang programang ito ay nasa ilalim ng Executive Order No. 318 (Promoting Sustainable Forest Management in the Philippines) na naglalayong maisama ang FLUP sa Comprehensive Land Use Plan (CLUP) ng Local na Pamahalaan upang makapagbigay ng direksyon sa tamang pamamahala ng mga kagubatan sa kanilang nasasakupan.

Ang nasabing paglagda ay ginanap sa munisipyo ng Nasugbu na pinangunahan ni Regional Executive Director Nilo B. Tamoria at Hon. Mayor Antonio Jose A. Barcelon. Dumalo rin sa nasabing aktibidad sila Assistant Regional Executive Director Jose Elmer Bascos, OIC-PENRO Batangas Noel Recillo, OIC-CENRO Calaca Isagani Amatorio, Nasugbu Municipal Administrator Emerlito Bordeos, MENRO Francisco U. Amoyo, MPDC John Paul Vasquez at iba pang kawani ng CENRO Calaca at Lokal na Pamahalaan ng Nasugbu.

Ayon kay RED Tamoria, ang forestland ay mahalaga sa kabuuang ecosystem ng isang pamayanan at ang pagbuo ng FLUP ay isa ring pamamaraan kung paano tayo makakambag sa pagpigil sa patuloy na pagbabago ng ating klima. “Ano mang pangyayari taas ng kabundukan ay dama sa kaibaban ng ating mga bayan hanggang sa karagatan o ang tinatawag nating Ridge to Reef Approach”. Ayon pa sa kanya, ang pagbuo ng FLUP ay batay sa sistema ng “evidenced-based” at “science based”

Naniniwala si RED Tamoria na ang pagpaplano ay unang hakbang pa lamang at mas mahalaga at mas malaking hamon ay ang implementasyon ng mga nakasaad sa planong ito. Ang Munisipyo ng Nasugbu ay nagpahayag naman ng suporta sa mas pinaigting na pagprotekta at pangangalaga sa kagubatan.