GENERAL LUNA, QUEZON- Nilagdaan ang Memorandum of Agreement (MOA) para sa Pagbabalangkas ng Forest Land Use Plan sa Bayan ng General Luna, Quezon noong Marso 11, 2022 sa SB Session Hall ng nasabing bayan.

Ang MOA ay pinagtibay sa pamamagitan ng paglagda ng mga opisyal ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Calabarzon Region na nirerepresenta ni Regional Executive Director Nilo B. Tamoria at Pamahalaang Lokal ng General Luna, Quezon na nirerepresenta naman ni Hon. Mayor Matt Erwin V. Florido. Ito ay naglalayong proteksyonan ang mga lupang kagubatan sa nasabing bayan lalo na ang mga Open Access Area. Ito  rin ay isang mahalagang bahagi ng Comprehensive Land Use Plan o CLUP na sa ngayon ay naisagawa na ng bayan ng General Luna, Quezon.

Dahil dito, ang milestones ng FLUP ay iprinesenta ni EMS II Lilibeth P. Loren kung saan ay sinabi niya ang mga aktibabidades na naisagawa na ng CENRO Catanauan para sa paghahanda sa nasabing planong pangkagubatan gaya ng Orientation/ Consultative Meeting para sa mga Stakeholders at Technical Working Group (TWG) at pagpepresenta ng draft Memorandum of Agreement sa Sangguniang Bayan ng General Luna, Quezon. 

Sa kanyang mensahe, ipinagmalaki ni Hon. Matt Erwin V. Florido ang mga programa ng kanilang bayan lalo na ang mga potensyal para sa ekoturismo na may kaugnayan sa kalikasan ng Bayan ng General Luna. “Napakahalaga at napakamakasaysayan ng ating pagtitipon dahil binisita tayo ng ating Regional Executive Director para pag-usapan ang mga gagawin pa nating hakbangin upang maisakatuparan natin ang formulation ng ating Forest Land Use Plan na isang napakahalagang sangkap sa LGU upang magkaroon ng malinaw na plano para sa kagubatan ng aming bayan” dagdag pa niya. Sa huli ay pinasalamatan niya ang DENR sa mabilis na aksyon at mga aktibidades upang maisagawa ng FLUP. Ipinangako din niya ang kooperasyon at suporta ng kanilang bayan sa mga gawaing pangkalikasan at mga proyekto na may kaugnayan sa pagpapanatili ng mga likas yaman.

Binanggit naman ni RED Nilo B. Tamoria ang kahalagahan ng plano upang maging gabay ito sa tamang pamamahala ng kagubatan sa bayan ng General Luna, Quezon. “Pagsasanibin po natin ang teknikal na kaalaman ng aming ahensya tungkol sa kinakailangang direksyon at input naman ng lokal na pamahalaan” dagdag pa niya. “Ibabahagi din po ng DENR ang skills para sa kapakanan ng ating lokal na pamahalaan”. Sinabi rin niya na itong FLUP ay dapat maisagawa ng lokal na pamahalaan upang ito ay makatulong sa pangangalaga ng mga gubat at lupang kagubatan.

Sa huli ng programa ay nagpasalamat si OIC-CENRO Ramil J. Gutierrez sa Lokal na pamahalaan ng General Luna, Quezon, sa mga Staff ng CENRO Catanauan at mga opisyal at personnel ng DENR Calabarzon na dumalo at sumuporta sa MOA signing na isinagawa. Lumagda rin sa Memorandum of Agreement (MOA) sina Hon. Vice Mayor Jovito P. Red, PENRO Raymond A. Rivera at OIC-CENRO Ramil J. Gutierrez. ###