Mulanay, Quezon- Isang Philippine Scops Owl (Otus megalotis) ang ipinagbigay alam ni Mr. Mellier J. Daza, residente ng Brgy. Matandang Sabang Silangan, Catanauan, Quezon sa tanggapan ng CENRO Catanauan noong Agosto 18, 2021. Ito ay agad na pinuntahan ni Wildlife Enforcement Officer Maximo Loren at Forest Ranger Pedrito Recalde at dinala sa beterinaryo ng Local na Pamahalaan ng Catanauan, Quezon upang obserbahan.

Batay sa pagsusuri ni Municipal Agriculturist Liwayway R. Pizarra, ang nasabing ibon ay endemic sa Pilipinas at kabilang sa pamilya Strigidae na kadalasang makikita sa ilalim ng mga puno sa loob ng kagubatan. Ito rin ay isang nocturnal carnivores na kumakain ng mga insekto at maliliit na hayop. Ang naturang ibon ay kabilang din sa listahan ng Least Concern species ayon sa IUCN Red List ngunit nanganganib na mawala dulot ng pagkaubos ng mga kagubatan na siyang sanhi ng pagkasira sa natural nilang tirahan. Wala namang nakitang sugat o bali sa katawan at nananatiling masigla at maayos ang kondisyon nito.

Dahil sa maayos nitong kondisyon, ang naturang ibon ay dinala at pinakawalan sa isa sa mga pinangangalagaang pook ng CENRO Catanauan, ang Buenavista Protected Landscape (BPL) na matatagpuan sa Mulanay, Quezon sa parehong araw ganap na ika- 3 ng hapon.

Samantala, hinihikayat ang lahat na ipagbigay-alam sa awtoridad at sa ahensiya ng Kagawaran ng Kapaligiran at Likas Yaman ang anumang ilegal na gawain patungkol sa kalikasan. Lahat ay maaaring tumawag o magpadala ng mensahe o bidyo sa email This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.. Maaari ring ipadala sa opisyal na Facebook page ng DENR CALABARZON: https://www.facebook.com/DENR4AOfficial/. ###