Bilang selebrasyon ng “World Wildlife Day”, ang CENRO Calaca ay nagsagawa ng IEC lecture sa bayan ng Lemery, Batangas ngayong ika-3 ng Marso 2021.

Ang pagdiriwang ay may temang “Forest and Livelihoods: Sustaining People and Planet” na naglalayong makapagbigay ng kaalaman sa kahalagahan ng kagubatan at buhay ilang sa pangkabuhayan ng local na komunidad. Ilan sa mga kalahok sa nasabing aktibidad ay ang MENRO at mga opisyal ng Barangay Wawa Ibaba, Sambal Ilaya at Sambal Ibaba.

Ang IEC lecture ay isinagawa ni Forest Technician I/ Information Officer Karen Sotomango. Ilan sa mga tinalakay ay ang pinagmulan ng nasabing selebrasyon; ang kahalagahan at pag protekta ng kagubatan at buhay ilang na ayon sa Wildlife Resources Conservation and Protection Act (RA 9147); kasalukuyang estado ng kagubatan at mga nanganganib na buhay ilang; at mga aksyon na maaring gawin upang maiwasan ang patuloy na pagkawala ng mga buhay ilang.

Kasabay nito ay ipinresenta din ng Conservation and Development Section sa pangunguna ni Chief CDS/Sr. EMS Elizabeth Galit, ang naging resulta ng pawikan assessment na isinagawa sa apat na barangay noong Pebrero 6, 2021. Ilan pa sa mga nagpresenta ay sina Forester I Joenalyn Magno, Forest Technician II Jayson Boongaling at Coastal Extension Officer Windy Lota Cabral. Kasama sa kanilang mga tinalakay ay mga lugar na madalas nakikitaan ng pag-ahon at pag-itlog ng pawikan pati na rin ang mga possibleng banta sa buhay ng mga ito. Nagkaroon din ng talakayan ukol sa mga susunod pang posibleng hakbang na maaring gawin ng Local na Pamahalaan ng Lemery at ng CENRO Calaca upang mas mapangalagaan pa ang mga pawikan na nakikitang nangingitlog sa pangpang.

Kaugnay naman ng selebrasyon ng Women’s Month ay inanyayahan ang lahat na makilahok sa “Purple Mondays”bilang pagsuporta sa pagkakapantay pantay ng kasarian at lakas ng kababaihan. Sa kabuuan, ang aktibidad ay nilahukan ng sampung na lalaki at sampung babae.