Ang PENRO Laguna sa pamamagitan ni Land Management Officer II Juvelyn H. Larano ng Regulation & Permitting Section ay nagsagawa ng inisyal na cascading ng Rapid Land Tenure Appraisal (RLTA) sa mga Punong Barangay ng lungsod ng San Pablo, Laguna sa Association of Barangay Chairperson (ABC) meeting na ginanap sa Lion's Club Function Hall, San Pablo City ngayong 4 Marso 2021.

Ipinaliwanag ni LMO II Larano ang mga pangunahing layunin ng mga aktibidad sa ilalim ng proyektong RLTA ng DENR. Kabilang dito ang ground assessment ng land tenure at profiling ng isang lugar upang magkaroon ng baseline data ng mga lupang maari pang mapatituluhan. Sa pamamagitan ng RLTA ay magkakaroon ang bawat taong may lupa ng seguridad sa kanilang pagmamay-ari. Mapapabilis din ang proseso ng pagpapatitulo na siyang magiging malaking tulong sa lahat ng mga lokal na komunidad na may lupang pinamomosisyunan. Maiiwasan din ang mga potential conflict sa mga lupa dahil magkakaroon ng pagtatasa at pagsisiyasat sa totoong mga nagmamay-ari o claimant nito.

Ipinahayag naman ni City Assessor Ma. Elenita Rubi B. Diaz ang mga pangunahing barangay na unang sasailalim sa barangay profiling na isasagawa ng PENRO Laguna kabilang ang Brgy. I-A, I-C, II-C, II-D, II-E, II-F, III-A at III-B. Aniya, maswerte ang lungsod ng San Pablo dahil ito ang pilot city sa Laguna kung saan isasailalim sa RLTA.

Magkakaroon pa rin ng mga susunod pang orientasyon at talakayan sa nasabing walong barangay upang lubos na maunawaan ang mga aktibidad sa ilalim ng RLTA at mga mahahalagang papel at responsibilidad ng pamunuan ng barangay upang maayos na maisagawa ang mga ito.