Calamba City, Laguna - Ang Kagawarang ng Kapaligiran at Likas na Yaman ng Rehiyong CALABARZON sa pangunguna ng Manila Bay Site Coordinating Management Office No. 4 (MBSCMO4) at ng Provincial Environment and Natural Resources Office ng Cavite ay nagsagawa ng paglilinis ng ilog sa Barangays Malagasang II-B at II-C sa siyudad ng Imus, Cavite noong ika-13 ng Mayo 2022. Ito ay naaayon sa pagdiriwang ng Month of the Ocean na ginugunita tuwing buwan ng Mayo.

Ang gawaing ito ay nilahukan ng 60 katao na binubuo ng mga opisyal ng Barangays Malagasang II-B at II-C, manggagawa ng City ENR Office ng Imus, kasapi ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa nasabing mga Barangay, piling empleyado ng Provincial Government ENR Office ng Cavite, Department of Interior and Local Government (DILG) ng CALABARZON at DENR CALABARZON Regional Office. Kasama rin ang mga nakatalagang River Rangers at Eco Aide sa nasabing gawain.

Sa kabuuan ay nakakolekta ng higit sa 2,500 kilos ng hindi nabubulok, nabubulok, at residwal na basura sa higit kumulang na 250 metro ng ilog. Ang mga sakong pinaglagyan ng basura ay isinakay sa garbage collector’s trak ng City ENRO upang ilagak sa Montalban Sanitary Landfill sa probinsya ng Rizal.

Ibinahagi ni For. Raymund F. Mercurio, Assistant to the Regional Deputy Coordinator ng MBSCMO4 na ang napiling lugar ay nakapaloob sa Ylang-Ylang River System na dumadaloy patungo sa lawa ng Maynila. Aniya “ang layunin po natin ay maiwasan ang pagpasok o pagdaloy ng mga basura sa Manila Bay.” Dagdag pa niya ang malaking epekto ng basura sa kapaligiran at kalikasan tulad ng polusyon ng ating katubigan.

Hinikayat ni For. Mercurio na magkaisa at magtulong tulong sa paglilinis ng ating kailugan. Binigyang diin niya ang kahalagahan ng pagtutulungan o bayanihan ng mga Barangay upang maging matagumpay sa adhikain na malinis ang ating mga ilog. 

Sa kabilang banda, ipinahayag ni Assistant Regional Director for Special Concerns Jose Elmer C. Bascos ang pasasalamat ng DENR IVA CALABARZON sa mga nakilahok. “Ito pong activity na ito ay tuloy-tuloy nating ginagawa upang makamit natin ang minimithi nating SB level ng Manila Bay. Ang SB Level na gustong matamasa ng Manila Bay sang-ayon sa DENR Administrative Order No. 2021-19 ay ang kundisyon kung saan ito ay maaaring languyan, paliguan at pagdarausan ng iba pang gawain kaugnay sa paglilibang. Marahil nagtataka kayo kasi malayo tayo roon (Manila Bay) pero ang atin pong mga ilog at creek ay dumadaloy patungo sa Manila Bay” saad ni For. Bascos. 

Kasama rin sa gawaing ito sina PENRO Januel C. Peras ng Cavite, MBSCMO Cavite Focal Person Judaline Fabro, Deputy Regional Coordinator ng MBSCMO4 For. Violeta P. Masagnay at mga staff, City ENRO Doroteo Saganes, Punong Barangay ng Malagasang 2B at 2C Henry G. Herrera, at Mico A. Herrera. 

Nasiyahan ang mga Local Government Units at mga National Agencies na lumahok sa clean-up lalo na at itinuturing natin ang problema sa basura at pagsasaayos nito ay isang pinagsama-samang pagkilos ng LGUs, DENR, at iba pang ahensya ng pamahalaan at ang mga nasasakupang komunidad. Nagpasalamat din sila sa kanilang natanggap na Cerificate of Appreciation mula sa DENR IV-A CALABARZON sa pamumuno ng butihing Regional Executive Director Nilo B. Tamoria.

Ang DENR CALABARZON ay patuloy na hinihimok ang publiko na makilahok sa mga gawaing pangkalikasan. Makipag-ugnayan lamang sa pinakamalapit na tanggapan ng DENR sa inyong lugar o magpadala ng sulatroniko sa This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it. o tumawag sa 0956 182 5774 / 0919 874 4369. Maaari ring magpadala ng mensahe sa Opisyal na Facebook Page @DENR4AOfficial.###