Noong nakaraang taon, nilagdaan ang isang kasunduan sa pagitan ng DENR at Pamahalaang Bayan ng Mabitac, Laguna para sa pagbalangkas ng plano na naayon sa pinaka-akmang pamamaraan ng paggamit ng kagubatan at magkaroon ng pagbalanse sa mga aktibidad na may kinalaman sa forest production na may kasamang proteksyon at pagpapanatili ng samu’t saring buhay na ninirahan dito.

Naisagawa rin ang mga hakbangin tulad ng pagbuo ng isang Technical Working Group (TWG), pagberipika ng tinatayang 51.11 na hektarya ng Communal Forest, pagsasagawa ng Focus Group Discussion (FGD) at Information, Education and Communication (IEC) Campaign, at palagiang pagkonsulta at pagsasagawa ng mga workshops kasama ang TWG upang maisakatuparan ang pagbuo ng Forest Land Use Plan (FLUP) para sa bayan ng Mabitac, Laguna.

Nilalayon ng mga hakbanging ito na makabuo at magkaroon ng tamang rekomendasyon para sa natukoy na mga problema, isyu at posibleng banta sa kagubatan, likas-yaman at samu’t saring buhay rito.

Ngayong taon, nagkaroon ng pagpapahayag ng nabuong FLUP para sa pag endorso nito sa Sangguniang Bayan upang mapagtibay at maipatupad ito sa pamamagitan ng paglagda sa isang kasunduan.###