Tatlumpo’t walong (38) pamilya mula sa Bayan ng Magallanes ay legal ng may-ari ng lupa matapos igawad ng DENR PENRO Cavite at Lokal na Pamahalaan ng Magallanes ang kanilang mga Original Certificate of Titles (OCTs) sa programang “Handog Titulo Alay sa Maligayang Magalleño” na ginanap sa Municipal Covered Court ng Magallanes nitong Agosto.

Ang nasabing handog titulo program ay pinangunahan ng DENR PENRO Cavite sa pamumuno ni PENR Officer Januel R. Peras kasama ang mga personnel mula sa Regulation and Permitting Section (RPS). Ito ay matagumpay na naisagawa sa tulong at suporta ng lokal na pamahalaan ng Magallanes na pinamumunuan ni Hon. Mayor Jasmin Angelli Maligaya-Bautista kasama ang mga kawani ng Assessor’s Office.

Ang handog titulo program ay bahagi ng Communication, Education and Public Awareness (CEPA) Campaign ng DENR na may pangunahing layunin na ilapit sa nakararami ang mga serbisyong pampubliko na ginagawa ng ahensiya, ito rin ay naglalayon na ipaalam sa publiko ang proseso at ang mga kinakailangang dokumento sa pagpapatitulo at iba pang kaugnay na aktibidad sa lupa.

“Nais ko pong ipahayag ang taos pusong pasasalamat sa lahat ng naki-isa sa ating programa, lalo’t higit sa DENR PENRO Cavite sa patuloy ninyong pagmamalasakit sa bayan ng Magallanes” ani Mayor Jasmin Bautista –Maligaya.

Inilahad ni PENRO Peras na ang tungkulin at mandato ng DENR ay hindi lamang limitado sa pagtatanim at paghuli sa mga naninira at nang-aabuso sa kalikasan, bagkus binigyang diin din na isa sa mga pangunahing mandato ng ahensiya ay ang pagproseso ng titulo sa mga kalupaan na matagal ng sinasaka at pinagyayaman. “Makakaasa po kayo na hindi po kami magsasawang bumalik dito at alalayan po kayo patungkol sa pagpapatitulo” ani PENRO Peras.

Noong 2019, ang PENRO Cavite ay nakapag handog ng 15 titulo ng lupa sa mga pamilyang nakatira sa bayan ng Magallanes. Sa taon ding iyon napagtibay ang kasunduan ng DENR at Lokal na Pamahalaan ng Magallanes na ipatupad ang Rapid Land Tenure Appraisal (RLTA) program na naglalayong mapabilis ang iba’t ibang transaksyon sa pagpapatitulo ng lupa sa buong bayan ng Magallanes. ####