Ngayong taon, ang kweba ng Pinagdaop sa Bayan ng Sta. Maria sa Lalawigan ng Laguna ang nakatakdang pag-aralan sa pamamagitan ng pagtatasa nito upang magkaroon ng tamang pangangasiwa, pangangalaga at pagkonserba ng mga likas yaman at buhay ilang na matatagpuan sa loob at labas ng kweba.

Ang Pinagdaop Cave ay isang uri ng kweba na kung saan ang mga lagusan nito ay nalikha sa pagitan ng mga bato na nakasalansan sa mga dalisdis ng bundok. Ito ay matatagpuan sa loob ng Presidential Proclamation 1636 sa Brgy. Cueva, Sta. Maria, Laguna at may elevation na 514 masl.

Simula taong 2021, ang naturang kweba ay binuksan upang isa sa maging atraksyon sa NSJ Forest Park. Naitala na 4.39 m ang pinakamalawak na daan sa loob ng kweba, habang 0.64 m naman ang pinakamakitid.

Nagkaroon din ng obserbasyon tulad ng paglalagay ng kahoy na hagdan sa labasan nito; paglalagay ng konkretong sahig sa loob nito; at pagtitirik ng kandila na naging banta hindi lamang sa kweba, gayundin sa mga naninirahan dito na mga buhay ilang.

Bilang rekomendasyon, ang Pinagdaop Cave ay papatak sa Class 1 na kung saan ito ay may maselan at marupok na mga geological formation, nanganganib na mga buhay ilang at may mapanganib na mga kondisyon.

Patuloy na nakikipag-ugnayan ang CENRO Sta. Cruz sa lokal na pamahalaan ng Sta. Maria para sa tamang pangangasiwa at pagpaplano ng mga gawain na makakatulong sa pagsasaayos at pagprotekta ng Pinagdaop Cave. ###