Calamba City, Laguna - Noong ika-8 ng Abril 2022 pinangunahan ni Regional Executive Director Nilo B. Tamoria ang malugod na pagtanggap sa mga estudyante ng The Amphibous Warfare School Marine Corps Force Development Center sa kanilang Environmental Tour at Clean-up Drive sa Mts. Palay-palay-Mataas-Na-Gulod Protected Landscape (MPPMNGPL), Ternate Cavite. 

Binigyang diin ni RED Tamoria ang pangangalaga sa kapaligiran at likas na yaman ay hindi lang mandato ng Kagawaran ng Kapaligiran at Likas na Yaman o ng pamahalaan, ito ay mandato ng buong sambayanan. 

“Dinadagdag natin ang concern sa kapaligiran, kaya po ang core motto ng Philippine Marines na ‘Karangalan, Katungkulan, Kabayanihan’ puwede ho ba nating idagdag ang Kapaligiran?” saad ni Tamoria.

Ibinahagi rin ng DENR CALABARZON chief na ang MPPMNGPL ay marami nang pinagdaanang proklamasyon dahil sa pagkilala ng pamahalaan sa mahalagang papel ng lugar na ito. 

Matatandaan na ang pinangangalagaang pook ay kinilala bilang Mts. Palay-Palay-Mataas na Gulod National Park, Game Refuge and Bird Sanctuary sa bisa ng Presidential Proclamation No. 1594 noong ika-26 ng Oktubre taong 1976. At kalaunang pinroklama sa ilalim ng National Integrated Protected Areas System o NIPAS noong ika-27 ng Hunyo taong 2007 bilang Mts. Palay-Palay-Mataas-Na-Gulod Protected Landscape. 

Kasama sina PENR Officer ng Cavite Januel R. Peras, Assistant Protected Area Superintendent Geronimo Lopez, at mga ilang staff ng PENRO Cavite sa aktibidad na ito. 

Ang nasabing pook ay kasalukuyan paring sarado sa publiko para sa aktibidad na libangan, sa mga nais makipag-ugnayan sa tanggapan ng PENRO Cavite, maaaring tumawag sa kanilang numero na (046) 885 7652 o +63908 194 3573 o magpadala ng sulatroniko sa This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it..###