Calamba City, Laguna – Isang Northern Cloud Rat (Phloeomys pallidus) ang naiturn-over at narescue ng programang Born to be Wild – (Philippines’ pioneer nature and wildlife documentary series) ng GMA-7 sa Brgy. Real, Calamba City, Laguna kasama ang Enforcement and Monitoring Section ng PENRO Laguna noong 8 Oktubre 2021. Ang nasabing cloud rat ay namataan ni Ginoong Reggie Robles sa kalsada katabi ng bagong Hall of Justice ng Calamba City na malapit sa construction area kung saan siya nagtatrabaho bilang isang timekeeper. Aniya ni G. Robles, agad niyang pansamantalang inalagaan ang cloud rat at ipinagbigay-alam sa programang Born to be Wild sa pamamagitan ng pagbibigay ng mensahe sa kanilang Facebook Page. 

Batay sa inisyal na pagsusuri ni Dr. Ferdinand “Dok Ferds” Recio, ang veterinarian-host ng nasabing programa, ang cloud rat ay nasa maayos na kundisyon, ito ay isang lalaki at isang uri ng species ng rodent family na endemic sa Northern Luzon. Ito ay dadalhin ng kanilang team sa isang kilalang veterinary clinic para sa iba pang pagsusuri at assessment at pagkatapos ay opisyal na iteturn-over sa DENR CALABARZON Regional Wildlife Rescue Center sa Lamot II, Calauan, Laguna. Ang kabuuan ng pag-rescue ay maaring mapanood ng publiko sa kanilang November episode na ipinapalabas tuwing Linggo at may local replay kada weekdays sa GMA-7 at i-uupload din sa kanilang official Youtube Channel.

Hinihikayat ng PENRO Laguna ang publiko na ireport ang mga kaso ng illegal na pag-aalaga ng mga buhay-ilang maging hayop man o halaman o mga sightings nito sa official Facebook Page ng DENR CALABARZON o tumawag sa telepono na may numerong (049) 536 5889 o mag-email sa This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.. ###