Print

Nagsagawa ng opisyal na seremonya ng pagsasalin ng katungkulan mula sa papaalis na CENR Officer, Real, Quezon, For. Oliver Olivo sa bagong pinuno ng opisina na si Atty. Liezl De Mesa noong ika-8 ng Enero, 2024.

Bilang panimula, nagbigay si OIC-PENR Officer Cyril Coliflores ng maikling mensahe, kung saan, nabanggit niya na ang pagpapalit ng pamumuno sa tanggapan ay normal lamang sapagkat ito ay kailangan sa patuloy na paglinang ng kasanayan ng bawat empleyado.

Kasunod nito, nagbahagi si outgoing CENRO Olivo ng kanyang karanasan bilang pinuno ng DENR Real. Nabanggit niya na ang nasabing opisina ay nababagay para sa Foresters na naghahangad na mahasa ang kasanayan dahil sa katangian ng mga lugar na nasasakupan nito. Nagbigay din siya ng rekomendasyon sa papalit na CENR Officer na humingi ng karagdagang empleyado sapagkat ang lawak ng nasasakupan ng hahawakang opisina ay hindi nagtutugma sa aktwal na bilang ng empleyado ng tanggapan.

Pagkatapos nito, isinagawa na ang pormal na Pagsasalin ng katungkulan sa pangunguna nina Regional Executive Director Nilo B. Tamoria at OIC-PENRO Cyril Coliflores.

Sa unang pagkakataon bilang CENR Officer ng Real, nagbahagi si Atty. De Mesa ng kanyang karanasan hanggang sa siya ay maging isang ganap na abogado at ngayon ay CENRO. Inilahad niya na siya ay dati nang napadestino sa CENRO Real noong siya ay Forester I pa lamang. Binigyang-diin niya na malugod niyang tinatanggap ang hamon at responsibilidad bilang lider ng CENRO Real. Hiniling niya ang kooperasyon ng mga empleyado upang makapagbigay ang opisina ng mahusay na serbisyo sa mamamayan at sa kalikasan.

Nagbahagi din si Director Tamoria ng kanyang karanasan sa unang pagkakataon na siya ay nakarating sa CENRO Real bilang NCR Executive Director for Special Concern noong nagkaroon ng delubyo sa bayan ng Infanta. Ayon sa kanya, ang CENRO Real ay malawak ang nasasakupan kaya ito ay isa sa magandang training ground para mahasa ang kaalaman at kasanayan ng isang empleyado ng DENR. Binigyang-diin niya na walang maiiwan sa DENR CALABARZON, at ang balanse sa paglinang sa kasanayan ng bawat empleyado ay nakasalalay sa kakayahan ng bawat isa.

Bilang pangwakas na pananalita, nagpahatid ng pasasalamat si CENRO Real Monitoring and Enforcement Section Chief Henry C. Joven sa mga panauhin at sa dating CENRO Olivo. Hinikayat din niya ang mga kasamahan na sama-samang tuparin ang sinumpaang tungkulin sa pamumuno ng bagong CENR Officer, Atty. De Mesa.