Isang Special Order ang inisyu upang bumuo ng mga grupo na pinamunuan ni CENRO Venerando U. Garcia na pinagalawahan ni Assistant Protected Area Superintendent (APASu) Ronaldo Rozaldo upang magsagawa ng monitoring at surveillance kasabay ng pagdiriwang ng panahon ng Kuwaresma sa ika-3 at ika-4 na Distrito ng Laguna kabilang ang mga nasasakupang Protected Areas na Mts. Banahaw-San Cristobal Protected Landscape (MBSCPL) at Presidential Proclamation (PP) 1636 gayundin ang mga lugar na nasasakupan ng National Greening Program (NGP). Nilalayon nito na mas mapaigting ang pagprotekta at pangangalaga ng ating kapaligiran at likas-yaman kasabay ng nasabing pagdiriwang.

Habang nagsasagawa ng monitoring at surveillance, ang grupo ay nakasabat ng 14 piraso ng Mahogany lumber na may kabuuang sukat na 218.5 bdft. sa Brgy. J. Santiago, Sta. Maria, Laguna. Dagdag pa dito, nagkaroon din ng pagsabat ng 13 piraso ng Narra lumber na may kabuuang sukat na 121.75 bdft. at 4 piraso ng Gmelina flitches na may kabuuang sukat na 80 bdft. sa Brgy. Balian, Pangil, Laguna.

Alinsunod sa DAO 97-32, magsasagawa ng Administrative Confiscation Proceedings ang CENRO Sta. Cruz upang mabigyan ng angkop na pagpapasiya ang naturang paglabag sa Sec. 77 (cutting, gathering and/or collecting timber, or other forest products without license) ng PD 705 o Revised Forestry Code of the Philippines, as amended. Binibigyang diin ng DENR na ang anumang pagpuputol ng puno na walang kaukulang permiso mula sa tanggapan ay ilegal at may karampatang parusa na nakasaad sa nasabing batas.

Sa ulat patungkol sa MBSCPL, nakiisa sina APASu Rozaldo at ang kanyang grupo sa lokal na pamahalaan ng Majayjay upang magbigay ng tulong sa mga turista at mapaalalahanan ang mga ito sa mga ipinagbabawal na mga dalahin at gawain sa loob ng nasabing protected area.

Sa isang banda, isang Facebook post mula sa San Pablo Public Forum ang nakatawag ng pansin kay CENRO Garcia tungkol sa panawagan na mai-turn over ang isang juvenile Scops Owl (Otus megalotis). Agad nakipag-ugnayan ang CENRO Sta. Cruz sa lokal na pamahalaan ng Concepcion, lungsod ng San Pablo upang makapagbigay ng tulong at masuri ang nasabing kwago. Ang wildlife ay nai-turn over din noong araw na iyon at kasalukuyang nasa pangangalaga na ng Regional Wildlife and Rescue Center ng DENR CALABARZON na matatagpuan sa Brgy. Lamot II, Calauan, Laguna.

Ang DENR-CENRO Sta. Cruz ay nananawagan sa publiko na kung mayroon silang mga katanungan o sumbong tungkol sa mga gawaing pangkalikasan sa nasasakupan ng ika-3 at ika-4 na distrito ng Laguna, maari silang makipag-ugnayan sa nasabing tanggapan sa mga numerong (049) 536-8903 at (049) 557-3231, at sulatroniko: This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it..