Sta. Cruz, Laguna – Sa maigting na suporta ng Laguna Youth Development Office Affairs, matagumpay na nailunsad ang Ecological Solid Waste Management Advocacy Campaign ng DENR na ginanap sa Activity Center, Metro Central Mall, Sta. Cruz, Laguna noong 27 Setyembre 2022. Naipakilala sa higit 80 estudyante ng Governor Felicisimo T. San Luis Integrated Senior Highschool at miyembro ng mga youth organizations na Siklab Kabataan at Sinag Kabataan maging sa Local Youth Development Officer (LYDO) ng Sta. Cruz, si PINAS: BASURA BUSTER (PBB) isang mascot na siyang nagsisilbing simbolo ng mga DENR programs na may kaugnayan sa wastong pamamahala ng mga basura o ecological solid waste management. Gayundin ay ipinakilala ang Basura Buster mobile gaming application na idinisenyo para sa mga kabataang edad 5 hanggang 8 taon upang matuto sa tamang paghihiwa-hiwalay ng mga basura. Ito ay libre at maaaring madownload ng mga batang gumagamit ng mga android phones sa pamamagitan ng Playstore.

Ang nasabing paglulunsad ay dinaluhan nina PENRO Eriberto B. Saños, Chief Technical Service Division Divina A. Villaluz, OIC-Chief Management Services Division Lourdes S. Jacinto, SEMS Verna Oandasan ng PEMO Laguna at ni Youth Development Officer IV/Head ng YDA Fatima A. Villaseñor. Kasama rin ang Regional Youth Desk Officer at kinatawan mula sa RSCIG ng DENR CALABARZON.

Nagbigay naman ng mensahe ng pagkakaisa at pagtutulungan sina SEMS Verna Oandasan at YDO IV Fatima Villaseñor upang lalong maiangat ang kamalayan higit lalo ng mga kabataan sa solid waste management. Ipinahayag rin ni YDO IV Villaseñor ang buong suporta sa PENRO Laguna sa mga programa nito higit lalo ang may kinalaman sa mga kabataan. Nagbigay rin ng mensaheng pangangalaga sa kalikasan si PENRO Saños at pasasalamat sa lahat ng mga ibang ahensya at organisasyon na tumulong upang maayos na maisakatuparan ang nasabing paglulunsad.