Napili ang Mts. Banahaw-San Cristobal Protected Landscape- Laguna Side, Brgy. Taytay, Majayjay, Laguna bilang planting site sa Simultaneous Nationwide Tree Planting Activity at pagdiriwang ng World Bamboo Day. Nakapagtanim na may kabuuang bilang na 800 na punla na kinabibilangan ng 50 kawayan, 100 na Dipterocarp spp. at 650 na Idigenous spp.

Tinalakay ni CENRO Venerando U. Garcia ang mga detalye sa mga uri ng puno na itatanim sa nasabing aktibidad. Ayon kay CENRO Garcia, ang Dipterocarp species na itatanim ay isa sa mga uri ng punong kahoy na karaniwang matatagpuan sa naturang lugar. Ito ang napili na gamitin sa pagtatanim upang matulungan ang pangalawang paglago ng kagubatan na maabot ang kasukdulan na yugto nito. Bukod dito, binigyan diin din ang kahalagahan ng pagtatanim ng mga uri ng kawayan sa mga tabing-ilog upang patatagin ang lupa at mabawasan ang mga insidente ng pagguho ng lupa.

Nagpabatid din ng kagalakan sa kanyang mensahe ang Provincial Director ng DILG Laguna, Engr. John M. Cerezo. Pinagunahan din niya ang paggawad ng Certificates of Appreciation sa mga organisasyong nakilahok sa nasabing tree planting activity.

Isang aktwal na pagpapakita ng wastong paghawak at pagtatanim ng mga punla ang isinagawa ni Forest Technician I Wilson J.     Zarsadias bago ang aktwal na pagtatanim upang matiyak na ang mga kalahok ay magabayan. Tinapos ang programa sa pangwakas na pananalita ni PENRO Eriberto B. Saños sa pamamagitan ng isang  kasabihan na:

“Halina’t magtanim,

mga Punong kahoy ating paramihin,

 munti mang halaman ating kalingain,

 ang ating kapaligiran, ating pagyamanin,

 Biyaya ng Buhay, ating tamasain”