Ginawaran ng Plaque of Appreciation ng Philip Morris Fortune Tobacco Corporation (PMFTC) sa pamamagitan ng Jaime V. Ongpin Foundation ang DENR CENRO Lipa sa pangunguna ni CENRO Allan Willard Estillore kasama ni Senior EMS Josefa Lozada at ng buong Manila Bay Site Coordinating Management Office dahil sa naibigay na ambag nito upang masungkit ang sertipikasyon na Alliance for Water Stewardship (AWS).

Ang AWS Certification ay isang pandaigdigang pamantayan para sa maayos na pangangalaga at pagpapanatili sa mga pinagmumulan ng malinis na tubig gaya ng bukal, ilog, lawa o dagat.

Ang PMFTC, sa ilalim ng kanilang Corporate Social Responsibility (CSR), ay aktibong tumutulong sa pangangalaga ng San Juan River sa pamamagitan ng mga makabuluhang proyekto at pakikipagtulungan sa ahensya at mga komunidad na dinadaluyan ng naturang ilog.

Personal na pinangunahan ni Mr. Reynaldo Corona, ang Sustainability Specialist/ CSR Manager kasama si Ms. Susette Buhat, ang EHS Engineer/ Pollution Control Officer ng PMFTC, ang awarding ceremony na dinaluhan nina CENRO Estillore at SEMS sa opisina ng DENR CENRO Lipa sa Brgy. Marawoy, Lipa City, Batangas.