Isinagawa ng lokal na pamahalaan ng San Juan ang “Pista ng Kagubatan” alinsunod sa Municipal Ordinance No. 07-2015 kung saan taunang ipinagdiriwang tuwing ika-tatlo ng Hulyo ang Arbor Day sa nasabing bayan. Ito ay naglalayon na mailagay sa pamantayan ang proteksyon at pagpapanatili ng maayos na kalikasan para sa mga Sanjuaneños.

Ang tree planting activity na ito ay ginanap noong July 15, 2022 sa Brgy. Sapangan, San Juan, Batangas. Ito ay dinaluhan ng iba’t-ibang opisina, pribadong organisasyon, miyembro ng komunidad, media at ahensya ng gobyerno kabilang ang DENR CENRO-Lipa sa pangunguna ni CENRO Allan Willard M. Estillore. Nasa limang-libong puno ang naitanim at inaasahan ng kagawaran na lahat ng ito’y mabuhay sa tulong ng lokal na pamahalaan para sa pangangalaga ng mga punong ito.

Ayon kay CENRO Estillore sa kanyang panayam, pinapaigting pa din ang mga IEC activities sa pagpaparehistro ng chainsaw at kampanya laban sa ilegal na pagpuputol ng punongkahoy. Gayunpaman, binibigyan din ng atensyon ng kagawaran ang kampanya sa pagsasa-ayos ng mga baybayin sa San Juan at karatig na bayan na maipahinto ang pagtatayo ng ilegal na istrakturang may masamang epekto sa karagatan. Nanawagan din ni CENRO Estillore sa mga mamamayan na hindi lamang sa pagtatanim natatapos ang ating tungkulin para sa kalikasan, kundi hinikayat niya ang lahat para sa mas pinaigting at patuloy na pangangalaga ng ating  kabundukan, karagatan at iba’t-ibang uri ng likas na yaman.