San Pedro City, Laguna – Kaugnay ng selebrasyon ng Philippine Environment Month 2022 ngayong buwan ng Hunyo na may temang “Aksyon para sa Natatanging Mundo”, ang PENRO Laguna, sa pangunguna ng Biñan Satellite Office at mga itinalagang Information Officers at katuwang at City Environment and Natural Resources Office – San Pedro City ay nagsagawa ng isang exhibit at Community PlanTREE o pamamahagi ng libreng punla o pananim sa Biñan City Hall.. Namahagi rin ng iba’t-ibang uri ng mga information materials / collaterals na may kinalaman sa pangangalaga ng kapaligiran at likas-yaman. Ang exhibit ay itinayo sa may lobby ng San Pedro City Hall. Itinampok din ng City ENRO San Pedro sa nasabing exhibit ang mga likha tulad ng mga furnitures kagaya ng mga upuan at mesa mula sa mga nareresiklong basura.

Sa loob ng tatlong araw, humigit-kumulang 1,300 na fruit-bearing seedlings tulad ng Calamandarin, Rambutan, Lanzones, Langka, Cacao at Kape ang naipamahagi sa mga empleyado at mga kliyente ng Pamahalaang Panlungsod ng San Pedro. Positibo at mainit ang naging pagtanggap ng mga empleyado at kliyente ng San Pedro higit lalo sa pamamahagi ng libreng punla o pananim. 

Ang nasabing aktibidad ay isa ring pamamaraan ng PENRO Laguna upang ipakilala ang Biñan Satellite Office na siyang may hurisdiksyon sa mga lungsod ng San Pedro, Binan, Sta. Rosa at Cabuyao.