Ngayong taon, itinakda ang pagbalangkas ng Forest Land Use Plan para sa Bayan ng Pangil. Layunin nito na matukoy ang mga open access na mga lugar at magkaroon ng pagsang-ayon at makabuo ng rekomendasyon para sa tamang pamamahala nito.

Dagdag pa rito, ay magkakaroon din ng pagtukoy sa mga problema, isyu at posibleng banta sa kagubatan, likas na yaman at samu’t saring buhay.

Noong ika-14 ng Hulyo, 2021, nagkaroon ng paglagda ng Kasunduan sa pagitan ng DENR at Lokal na Pamahalaan ng Pangil para sa pagbabalangkas ng plano na naaayon sa pinaka-akmang pamamaraan ng paggamit ng kagubatan at magkaroon ng pagbalanse sa mga aktibidad na may kinalaman sa forest production na may kasamang proteksyon at pagpapanatili ng samu’t saring buhay nito.

Hamon ni Regional Executive Director Nilo B. Tamoria, “Papayag ba tayo na ang mga apo natin ay hindi na abutan ang mga dumadaloy na tubig sa ating mga ka-ilogan?, at Papayag ba tayo na ang mga susunod na henerasyon ay wala ng maabutang mga puno, mga buhay-ilang, na sa ating kabataan ay ating naranasan.”

Ayon kay RED Tamoria, mahalaga ang pagpaplanong ito kung saan ang pinagsama-samang kaalaman at karanasan ng bawat isa ay may malaking ambag sa pagbibigay ng mga pangangailangan hindi lamang ng sa kasalukuyan kung hindi pati na rin ang sa susunod na henerasyon.

Patuloy na makikipag-ugnayan ang CENRO Sta. Cruzsa Lokal na Pamahalaan ng Pangil  para sa pagsasagawa ng mga susunod na aktibidad upang mapagtibay at maipatupad ang nasabing plano.

Ang nasabing aktibidad ay pinangunahan nina Regional Executive Director Nilo B. Tamoria, Mayor Gerald Aritao, Vice Mayor Divine Grace Astoveza, CDD Chief, Ramil Gutierrez, PENRO TSD Chief, Divina Villaluz, In-Charge, Office of the CENRO Sta. Cruz Bernardita Daliva, PENRO CDS Chief, Melvin Lalican, CENRO CDS Chief, Elisa Apolinario De Vera at Sangguniang Bayan ng Pangil, Laguna.

Pangalagaan at Protektahan natin ang ating kasalakuyang mga kagubatan at likas na Yaman ng  ating bansa upang ang susunod na salinlahi ay may maabutan pang mayabong na kagubatan at malinis na kapaligiran.