Gamit ang ipinagmamalaking Kapeng Liberica ng Juan Santiago Agriculture Cooperative (JSACOOP) at kahusayan ni 2019 Philippine National Barista Champion Michael Harris Conlin katuwang ang kanyang grupo na Henry and Sons, nakamit nila ang Silver Award sa Global Coffee Championship sa South Korea Latte Category.

Ang JSACOOP ay isang People’s Organization (PO) sa ilalim ng Community-Based Forest Management (CBFM) at National Greening Program (NGP) ng DENR. May kabuuang 298 na hektarya ang lupa na kanilang binubungkal upang magamit sa mga proyekto at aktibidad na pagtatanim ng mga gulay, puno at namumungang kahoy tulad ng kape na pangunahin nilang produkto.

Kilala din ang JSACOOP na isa sa mga umuusbong na industriya sa pagkakape. Sa katunayan, sila ay gumagawa at nagbebenta na kanilang sariling kape (Laguna Blend) mula sa kanilang sariling ani.

Ikinagagalak at ikinararangal ni CENRO Venerando Garcia ang ipinapakitang kahusayan ng organisasyon at pagkamit ng internasyonal na pagkilala at parangal. ###