Ang DENR CENRO Lipa ay nagsagawa ng paggawad ng titulo bilang inisyatibo sa ilalim ng Republic Act No. 10023 at 11573 kasabay na rin ng pagdiriwang ng Handog Titulo Month at anibersaryo ng Land Management Bureau.    

Tatlumpung (30) titulo ang iginawad sa mga pamilyang-benepisyaryo mula sa iba’t-ibang bayan at lungsod na nasasakupan ng CENRO Lipa. Ang mga nabiyayaang patentees ay legal nang may-ari ng lupa matapos igawad ng DENR sa pamamagitan ng PENRO Batangas at CENRO Lipa at Lokal na Pamahalaan ang kanilang mga Original Certificate of Titles (OCTs) sa pamamagitan ng Free Patents.

Ang RA 10023 ay ang batas na nagbibigay pahintulot sa mamamayang Pilipino na makapag-apply ng titulo sa isang residensyal na lupa upang legal na maging pag-aari. Ito ay naglalayong matituluhan ang mga lupang residensyal na minamay-ari nang mahigit sampung taon. Samantala, ang RA 11573 naman ay ang batas nagbibigay ng alituntunin at nagpapabilis sa pagpapatitulo ng mga lupang agrikultural. 

Sa pamamagitan ng programang Handog Titulo, nasa limang (5) Residential Free Patents at 25 Agricultural Free Patents ang iginawad sa mga residente mula sa iba’t-ibang bayan at lungsod na nasasakupan ng CENRO Lipa.

Ang nasabing handog titulo program ay pinangunahan ng DENR CENRO Lipa sa pamumuno ni CENR Officer Allan Willard Estillore kasama ang mga kawani mula sa Regulation and Permitting Section (RPS). Ito ay matagumpay na naisagawa sa tulong at suporta ng PENRO Batangas sa pamamagitan ni PENR Officer Noel Recillo.