Ang Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) Tayabas City ay tumulong upang maisagawa ang Tree Planting Activity sa Palsabangon Mangrove Swamp Forest Reserve (PMSFR) sa ikatlong araw ng 2022 Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) Youth Camp noong nakaraang Agosto ng Department of Education (DepEd) at DRRM.

Humigi’t kumulang 1,400 bilang ng Bakauan babae (Rhizophora mucronata) at Bakauan lalaki (Rhizophora apiculata) ang itinanim sa 1.5-hectare area na napapaloob sa PMSFR, ng mga dumalong kinabibilangan ng mga mag-aaral, guro, tagapayo, at kawani ng mga nabanggit na ahensiya.

Mainit na tinanggap ng CENR Officer at Protected Protected Area Superintendent (PASu) ng PMSFR na si Engr. Cyril A. Coliflores ang mga dumalo sa pamamagitan ng pagbibigay-diin sa kahalagahan ng pagbisita sa protected area. Inaasahan ni Coliflores na sa pamamagitan ng pagsasaloob at pagbibigay-halaga sa kagandahan ng lugar, ay mababago ang pananaw ng mga ito sa kalikasan at magsimulang maging tagapag-ingat nito.

Nagbahagi naman ng impormasyong may kinalaman sa Climate Change Mitigation at Adaptation si Forest Technician II/Information Officer Hanilyn R. Yara. Binigyang diin niya ang importansiya ng pagtatag sa mga protected area sa buong Pilipinas at kung paano ito nauugnay sa mitigation ng climate change. Ayon din sa kaniya, apat (4) mula sa kabuuang bilang na 12 protected areas sa probinsiya ng Quezon ay napapaloob sa hurisdiksiyon ng CENRO Tayabas. Isa na rito ang PMSFR na matatagpuan sa Brgy. Ibabang Palsabangon, Pagbilao, Quezon.

Nagbigay kaalaman din sina Technical Staff Mel Francis R. Gendrano, Admin Aide VI Pauline D. Salivia at Park Maintenance Foreman Henry G. Basco kung saan ipinaliwanag nila ang halaga ng mangrove ecosystems, ang pinagkaiba nito sa terrestrial ecosystems, ang mga kakaibang katangian nito, at ang lokasyon, sukat, mga pasilidad at pamamahala sa PMSFR. Itinuro rin nila ang tamang paraan ng pagtatanim ng mangrove bago tumungo sa pagtataniman.

Nagmula ang mga delegado ng DepEd sa iba't ibang distrito tulad ng Sampaloc, Mauban North, Mauban South, Lucban, Pagbilao 1, Pagbilao 2, Sariaya East, Sariaya West, Candelaria East, Candelaria West, Tiaong 1, Tiaong 2, Dolores at San Antonio.

Ang lecture at planting activities ay isinagawa sa pamamagitan ng paghahati-hati sa mga kalahok sa tatlong (3) grupo upang ma-accommodate ang kanilang dami o bilang at upang makasunod sa health protocols at restrictions na may kinalaman sa COVID-19.