Print

Catanauan, Quezon– Ang Department of Environment and Natural Resources-Community Environment and Natural Resources Office-Catanauan, Quezon katuwang ang Lokal na Pamahalaan ng Catanauan, Quezon sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Ramon A. Orfanel ay nagsagawa ng malawakang pag gawad ng titulo bilang inisyatibo sa ilalim ng RA 10023.

Ang RA 10023 ay ang batas na nagbibigay pahintulot sa mamamayang Pilipino na makapag-apply ng titulo sa isang residential na lupa upang legal na maging pag-aari. Sino mang may kwalipikasyon batay sa kinakailangang criteria nito ay maaaring makapag-apply ng Residential Free Patent.

Sa pamamagitan ng programang Handog Titulo, nasa 88 Residential Free Patent ang iginawad sa mga residente ng Brgy. 10, Poblacion, Catanauan, Quezon.

Ayon kay Mayor Ramon A. Orfanel, ang pagkakaroon ng ugnayan sa ahensya ng CENRO Catanauan at ng Lokal na Pamahalaan ang naging susi ng pagpupursige ng kinatawan ng CENRO Catanauan upang matulungan na magkaroon ng sariling titulo ng lupa ang mga residente ng Barangay 10, Catanauan, Quezon. Ipinaliwanag din niya ang kahalagahan ng titulo bilang isang katibayan ng pag aari ng isang palagay na lupa na maaaring ipamana sa susunod na salinlahi ng nagmamay-ari.

Sinabi ni PENRO Raymond A. Rivera, “ang gawain pong ito ay nagpapakita ng resulta ng pagtutulungan ng isang National Government katulad ng DENR at ng Lokal na Pamahalaan. Kapalit po ng inyong titulo ay habang buhay na kapanatagan na sa tuwing kayo ay gigising sa umaga, hindi nyo na iisipin na kayo ay paaalisin sa lugar. Kapalit din ng titulong ito, akin pong hinihiling sa inyo na sana ay maging responsableng mamamayan po tayo sa pagbabayad ng buwis ng inyong titulo.”

Dagdag pa ni CENRO Ramil J. Gutierrez, “makasaysayan po ang araw na ito dahil mapapasakamay na ninyo ang titulo na matagal niyo ng hinihintay, isa lamang po ito sa mga serbisyo na amin pong pinoproseso para sa inyo at sa mamamayang Pilipino, nagpapasalamat ako sa suporta na ibinibigay ng Local na Pamahalaan ng Catanauan lalong lalo sa enforcement ng mga batas pang kalikasan. Ang amin pong opisina ay bukas upang mag serbisyo para sa inyo.”###