Print

Pangil, Laguna – Kaugnay ng selebrasyon ng World Bamboo Day at International Coastal Clean-Up 2021 ay nagsagawa ng sabayang Bamboo Planting, Water Hyacinth Removal at River Clean-Up activities ang PENRO Laguna at CENRO Sta. Cruz sa bayan ng Pangil, Laguna ngayong ika-12 ng Oktubre, 2021.

Sa tulong at suporta ng lokal na pamahalaan ng Pangil, sa pamumuno ni Mayor Gerald A. Aritao kasama ang iba't-ibang ahensya ng gobyerno at organisasyon kasama ang Laguna Provincial Police Office, Pangil Municipal Police Station (MPS), Pangil Bureau of Fire Protection (BFP), MENRO Pangil, MENRO Siniloan, Crime Watch, Gal-Pa Upland Farmers Association kasama din ang mga River Rangers ng Pangil at Siniloan. Kabilang din sa mga nakiisa sa nasabing mga aktibidad ang mga piling kawani mula sa PENRO Laguna at CENRO Sta. Cruz. 

Tinatayang 500 punla ng Kawayang Tinik ang naitanim ng mga nakilahok sa bamboo planting sa 2017 National Greening Program (NGP) Bamboo Plantation sa Brgy. Galalan, Pangil, Laguna. 

Kasabay nito, ay nagsagawa din ng clean-up activity sa kahabaan ng Pangil River at nakapagkolekta ng 70 sako ng basura na may bigat na humigit-kumulang na 945 kilograms. Halos 80% ng nakolektang basura ay mga nabubulok o biodegradable. Dagdag pa rito ay nagkaroon din ng pagtatanggal ng mga water hyacinth upang maiwasan ang pagbabara sa mga katubigan o tributaryo patungong Manila Bay.

Pagkatapos ng mga nasabing aktibidad ay nagkaroon ng maikling programa na ginanap sa bulwagan ng Pangil River Ecological Park sa Brgy. Natividad. Ito ay dinaluhan ng mga panauhin kabilang na sina PENRO Ronilo L. Salac, CENRO Venerando U. Garcia, Mayor Gerald A. Aritao, Vice Mayor Divine Grace G. Astoveza at Police Lieutenant Colonel Rodelino B. Aspiras na nagbigay ng kani-kanilang mga mensahe. 

Ani PENRO Salac, ang mga tuloy-tuloy na pagsasagawa ng PENRO Laguna katuwang ang CENRO Sta. Cruz ng mga iba't-ibang aktibidad at proyekto sa Pangil ay kabilang sa action plan ng opisina bilang pagtugon sa hamon ni DENR Secretary Roy A. Cimatu na mapanatiling pinakamalinis na ilog sa bansa ang Pangil River at muling gawing Class A ang kalidad ng tubig ng nasabing ilog.

Lubos naman ang pasasalamat ni Mayor Aritao sa DENR sa pagbibigay ng importansya at pakikipagtulungan na mapanatiling maayos ang kapaligiran ng kanilang maliit ngunit napakagandang bayan. 

Ang maikling programa ay natapos sa isang closing remarks mula kay CENRO Venerando U. Garcia. Ayon kay CENRO Garcia, ang pagsasama ng iba't ibang ahensya ng gobyerno at iba pang organisayon ay sumisimbilo ng isang pinagtibay na pagtutulungan tungo sa isang layunin na mapangalagaan ang mga katubigan at watershed areas ng lalawigan. ###