Print

Pinaunlakan ng bagong upong OIC, CENRO Sta. Cruz, Forester Venerando U. Garcia ang imbitasyon na radio guesting ng programang Tagalog Republic on Air ng 106. 3 FM Laguna nitong ika-2 Oktubre 2021.

Sa unang bahagi ng talakayan ay ipinakilala ang bagong talagang OIC-CENR Officer Vener Garcia, ang mga nakaatas na tungkulin, responsibilidad at gawain sa tanggapan ng CENRO Sta. Cruz para sa ika-3 at ika-4 na distrito ng Laguna. Sa nasabing panayam na tumalakay sa paksang “Towards a Sustainable Water Future” ay binigyang diin ni OIC- CENRO Garcia na kailangang tingnan at kritikal na suriin ang mga kahinaan at kahusayan na umiiral sa kasalukuyang water system ng bansa upang matiyak na masulit ang limitadong likas na yaman. At upang ito ay matamo, kinakailangan ang optimal utilization o pinakamainam na paggamit ng tubig para maiwasan ang pag-aaksaya ng nasabing likas na yaman.

Dagdag pa niya, upang mapagtagumapayan ang hamon sa tubig, ang gobyerno sa pamamagitan ng National Water Resources Board (NWRB) na siyang bumabalangkas ng mga panuntunan ukol sa wastong paggamit ng tubig ay inatasan para sa mga gawaing may kinalaman sa katubigan. Ito ay alinsunod umano sa Integrated Water Resources Management Plan o IWRM. Ang NWRB din ang binigyang kapangyarihan ng pamahalaan upang makontrol ang appropriation ng paggamit sa tubig batay sa priority. Ito ang nagpapasiya kung gaano karami, gaya ng cubic meters o liters per second ang ilalaan sa bawat water user alinsunod sa paggamit nito.

Bukod sa Philippine Water Code na nakapaloob sa Presidential Decree No. 1067, ipinaliwanag din ni CENRO Garcia ang mga panuntunan sa Clean Water Act (R.A. 9175). Ang mga batas na ito ang nagsisilbing gabay ng ating pamahalaan sa wastong paggamit at pangangalaga sa ating mga water resources.

Ipinagmalaki rin ni CENRO Garcia ang pagbisita ni Sec. Roy A. Cimatu sa Ilog ng Pangil kung saan ay ipinakita ng nasabing kalihim ang pag-inom ng tubig sa mismong ilog. Ito ay pagpapatunay na ang Ilog Pangil ay isa sa pinakamalinis na ilog sa buong bansa.

Para sa mga gawaing may kinalaman sa pangangalaga at pagprotekta ng water resources at ibang likas na yaman ay ibinahagi din ni OIC-CENRO Garcia ang mga aktibidad ng CENRO Sta. Cruz kaugnay sa mga Tree Growing/Planting katuwang ang mga pribadong organisasyon at Lokal na Pamahalaan ng Laguna. Aniya, natutuwa siya na marami sa mga pribadong kompanya ang kusang lumalapit sa tanggapan ng CENRO Sta. Cruz para makapagsagawa ng mga Tree Planting activities. Ito ay ebidensya umano na marami ng indibidwal ang nagmalasakit sa ating Inang Kalikasan.

Sa huling bahagi ng programa, inimbitahan ni CENRO Garcia ang publiko na lumahok sa mga aktibidad ng CENRO Sta. Cruz katulad na lamang ng naipagpalibang gawain sa selebrasyon ng World Bamboo Day at International Coastal Clean-up na nakatakdang gawin sa darating na ika-12 ng Oktubre 2021. Nanawagan din siya sa publiko na huwag mag-alinlangang lumapit sa tanggapan ng CENRO Sta. Cruz na matatagpuan sa Sitio Maunawain, Brgy. Duhat, Sta. Cruz, Laguna hindi lamang kung may gustong malamang impormasyon patungkol sa mga ipinatutupad na batas at programa ng DENR at serbisyo publiko tulad ng pagproseso ng mga pagtititulo para sa residential at agricultural free patent, pagrerehistro ng mga chainsaw at pagpuputol ng mga puno sa mga pribadong lugar, pati narin mga sumbong patungkol sa mga ilegal na gawain pangkalikasan. Dagdag pa niya, bukas din ang tanggapan ng CENRO Sta. Cruz sa mga ulat patungkol sa mga magagandang gawain na parehong makikinabang ang komunidad at ang ating kapaligiran at likas na yaman.

 Ikaw, Ako, Tayo ang Kalikasan! ###