Print

Ngayong taon, ang CENRO Sta. Cruz na may patnubay ng DENR CALABARZON at PENRO Laguna, ay naglunsad ng internal at external strengthening na kung saan ito ay naglalayon na mapalakas ang ugnayan sa pagitan ng DENR, Lokal na Pamahalaan at iba pang organisasyon upang maging katuwang sa patuloy na pagpapayabong at pagprotekta ng ating kapaligiran at likas na yaman.

Noong ika-25 ng Setyembre, 2021, ay nagkaroon ng isang Tree Growing Activity sa Cavinti Integrated National HighSchool, So. Calminue, Brgy. Cansuso, Cavinti, Laguna. Nakapagtanim ng 200 na punla ng Molave (Vitex parviflora), Mangga (Magnifera indica), Durian (Durio zibethinus), Rambutan (Nephelium lappaceum), at Guyabano (Annona muricata) ang  mga kalahok mula sa Lokal na Pamahalaan ng Cavinti na pinangunahan ni Mayor Milbert Oliveros, Philippine National Police (PNP) Laguna na Pinangunahan ni PCol. Serafin Petalio II, National Power Corporation (NPC) – Cavinti na pinagunahan ni Chief, CLWAT Edmond Enriquez, mga kawani ng DENR na pingunahan nina USEC. Edilberto DC. Leonardo, Regional Executive Director Nilo B. Tamoria, PENRO Ronilo L. Salac at OIC-CENRO Venerando U. Garcia.

Nagkaroon din ng isang Oath Taking Ceremony ang 25 na bagong Kaligkasan (Kaligtasan Kalikasan) Warriors mula sa PNP Laguna at Sangguniang Kabataan ng Cavinti. Sila ay nanumpa bilang pagsuporta at pananalig sa ano mang proyekto, programa, at adhikain ng ating pamahalaan patungo sa patuloy na pagprotekta ng kapaligiran at likas na yaman ng bansa.

Noong isang taon, nauna nang nagkaroon ng kasunduan ang PNP Laguna at DENR para sa proyektong SPLaKaM o “Samahang Pulis Laguna, Kapanalig Mo at Makakalikasan”, ito ay isang proyekto na naglalayon na magkaroon ng direktang pakikilahok sa mga aktibidad na may kinalaman sa pagpapalaki at pagpapanatili ng mga itatanim na mga puno bilang tugon sa banta ng pabago-bagong panahon.

Ang DENR ay naniniwala na sa pamamagitan ng pagkakaisa ng bawa’t isa, ay patuloy na mapoprotektahan at mapagyayabong ang mga natitira nating kagubatan at likas-yaman upang maibalik ang dati nitong sigla.

Ikaw, Ako, Tayo ang Kalikasan! ###