Personnel ng CENRO Sta. Cruz at NBI 4A noong buy bust operation

Sta. Cruz, Laguna- Arestado ang isang lalaki na di umanoy nagbebenta ng ilegal na mga “Premium Hardwood Species” na kahoy sa pamamagitan ng FB online selling sa isinagawang buy bust operation ng DENR CENRO Sta. Cruz sa pakikipagtulungan ng National Bureau of Investigation (NBI) Region IV-A sa Brgy. Longos, Kalayaan, Laguna noong Hulyo 20, 2020, Lunes dakong 12:30 ng tanghali.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, isang 8888-complaint ang idinulog sa tanggapan ng CENRO Sta. Cruz hinggil umano sa pagbebenta online ng mga hinihinalang premium species na kahoy gamit ang Facebook. Nakipag-ugnayan sa operatiba ng NBI ang tanggapan ng CENRO Sta. Cruz noong ika -1 ng Hulyo 2020 upang pagplanuhan ang pagsasagawa ng isang buy bust operation. Bago ang nasabing operasyon ay nagkaroon ng surveillance ang ilang kawani ng CENRO Sta. Cruz upang malaman ang sitwasyon sa nasabing lugar.

Agad na isinagawa ang operasyon matapos magpositibo sa naturang surveillance ang illegal na pagbebenta ng hardwood species ng naturang suspek. Nakumpiska ng otoridad mula sa lalaki ang 42 Yakal lumber na umaabot sa 434 boardfeet.

Samantala sa kalapit na lugar ng nasabing operasyon ay nakahuli at nakakumpiska din ng magkasanib na pwersa ng CENRO Sta. Cruz at NBI IV-A ng 25 pirasong Narra Lumber na aabot sa 434 boardfeet at 17 sets ng mga yari ng furnitures na tinatayang aabot din sa 434 boardfeet.

Ang mga nasabat na kahoy at furniture sets ay nasa pangangalaga ngayon ng CENRO Sta. Cruz na matatagpuan sa Brgy. Duhat, Sta. Cruz, Laguna upang pangalagaan ang naturang ebidensya.

Samantalang, sumailalim naman ang suspek sa inquest proceedings at nasampahan na ito ng kaukulang kaso dahil sa paglabag nito sa Section 77 ng PD 705 as Amended. Sa kasalukuyan ay pansamantalang nakalaya ang suspek sa pamamagitan ng pagbail nito sa halagang ₱32,000. Patuloy na didinggin ang kaso sa Regional Trial Court (RTC) Sta. Cruz Branch sa mga susunod na mga araw.

Laging pinapaalalahanan ng DENR ang publiko na mahigpit na ipinagbabawal ang pagpuputol ng mga puno kung wala itong kaukulang permit mula sa nasabing tanggapan. ###