Print

Alam niyo ba na ang salitang "ARBOR" ay mula sa salitang Latin na nangangahulugang PUNO.

Ngayong araw, Hunyo 25 ay ipinagdiriwang ang "Arbor Day" sa Pilipinas na nabigyang diin sa bisa ng Proklamasyon Bilang 643 kung saan inatasan ang lahat ng mga ahensya ng gobyerno, kabilang ang mga korporasyong pag-aari ng pamahalaan at kontrolado, pribadong sektor, paaralan, pangkat ng sibilyang lipunan at mamamayan na maging aktibo sa pakikilahok sa lahat ng aktibidad patungkol sa pagtatanim ng puno upang maitaguyod ang isang malusog na ekosistema.

Noong 2012, nilagdaan ng dating Pangulo Benigno Aquino III ang REPUBLIC ACT NO. 10176 o "Arbor Day Act of 2012″, na muling nagpatatag sa Arbor Day bilang isang taunang kaganapan para sa mga lokal na yunit ng gobyerno, na nagdeklara ng araw ng pagtatanim ng puno bilang isang holiday sa pagtatrabaho sa publiko. Sa ilalim ng batas na ito, binigyang diin na ang lahat ng mga mamamayan ng Pilipinas na may edad na labing-dalawa at pataas ay kinakailangan na magtanim ng kahit isang puno bawat taon.

Bilang pakikiisa sa selebrasyon, sa pangunguna ng butihing CENRO Victor Mercado, ang bawat empleyado ng CENRO Sta. Cruz ay binigyan ng punla ng mga namumungang kahoy tulad ng Santol, Duhat, at Guyabano upang maitanim ang mga ito sa kani-kanilang mga bakuran. Ito ang isa sa mga paraan na naisip ng tanggapan ng CENRO Sta Cruz upang maisagawa ang tree planting activity na may ibayong pag iingat dahil pa rin sa banta ng pandemya COVID19.

Ika nga, “ang pagpapahalaga sa ating kalikasan ay magsisimula sa ating mga sarili”.

“May Magagawa Tayo, Tayo Ang Kalikasan” ###