Print

Ang CENRO Sta. Cruz ay nakiisa at nakibahagi sa pagdiriwang ng 18-Day Campaign to End Violence Against Women (VAW) na nag-umpisa ng ika-25 ng Nobyembre at magtatapos sa ika-12 ng Disyembre 2023 na may tema ngayong taon na “UNiTEd for a VAW-free Philippines”.

Bilang pagpapakita ng suporta sa selebrasyon, ang mga kawani ng CENRO Sta. Cruz ay nagsuot ng kulay kahel o orange na t-shirt/blouse/polo shirt, facemask at ibang pang uri ng gamit na kulay kahel na tinaguriang “We Wear Orange on Monday”. Nakilahok din ang mga piling kawani ng CENRO Sta. Cruz sa isang webinar patungkol sa “Gender Fair Language”.

Bukod dito, isang exhibit ang itinayo sa harapan ng CENRO Sta. Cruz na tinawag na “Orange Exhibit” kung saan dadalhin ka sa isang paglalakbay simula taong 2002 nang sumali ang Pilipinas sa pandaigdigang kampanya upang wakasan ang mga karahasan laban sa kababaihan at ang mga dekada nitong pagsusulong ng talakayan sa isyung panlipunan sa kababaihan. Itinatampok ng exhibit ang mahalagang papel ng kampanya sa pagpapataas ng kamalayan sa VAW, na humantong sa pagpasa ng mga batas para mapaigting ang nasabing kampanya. Sa pagbabalik-tanaw, ang exhibit ay nagpapakita ng mga pagbabago at tagumpay sa pagprotekta sa mga karapatan ng kababaihan tungo sa ganap na pagpapalaya kay Juanas mula sa lahat ng anyo ng karahasan laban sa kababaihan.

 Ang nasabing kampanya ay taunang pagdiriwang na naglalayong maiangat ang kamalayan at magkaroon ng aksyon para sa pagprotekta sa mga karapatan ng kababaihan laban sa lahat ng uri ng karahasan.###