Mahigit na 200 Show Cause Orders ang inisyu ng DENR CALABARZON sa mga istruktura sa kahabaan ng Marilaque Highway na napapaloob sa Road Right of Way na itinalaga ng Department of Public Works and Highways sa loob ng mga Pinangangalagaang Pook ng Rizal na kinabibilangan ng Kaliwa River Forest Reserve, Upper Markina River Basin Protected Landscape, at Presidential Proclamation 1636 na may bahagi din na sakop ng Laguna at Quezon noong ika-3 ng Nobyembre ng kasalukuyang taon.
 
Ani DENR CALABARZON Regional Executive Director Nilo B. Tamoria, “Kapuna-puna po ang mga istruktura sa loob ng mga Pinangangalagaang Pook at isa po sa mandato ng DENR, sa pamamagitan ng Protected Area Management Board (PAMB), ay i-enforce ang E-NIPAS. Malaki po ang implikasyon ng mga istrukturang ito sa biodiversity…hindi na po kaila ang epekto ng climate change, kaya po sinimulan po namin sa araw na ito at itutuloy tuloy ang pagse-serve ng show cause order.”
 
Dagdag pa ni Tamoria “Eventually, ang layunin natin sa Protected Area ay mapanatili ang paglago ng ating kagubatan at ng biodiversity…Ang atin pong ginagawa ay bahagi lamang po ng implementasyon ng pagpapatupad ng ating batas, kung may legal na karapatan pong manatili, ay irerespeto po natin iyon, kaya nanawagan po kami sa ating mga kababayan na sumunod lamang po sa batas nang sa gayon ay wala po tayo maging problema.”
 
Ayon sa Section ( n) at (o) ng Batas NIPAS (RA 7586, as amended), kailangan ng permiso mula sa Protected Area Management Board (PAMB) at sa DENR bago manatili o magtayo ng kahit anong istruktura sa loob ng Pinangangalagaang Pook.
 
Ang Show Cause Order ay isang paraan upang mabatid kung ang isang okupante ay may legal na karapatang okupahan ang isang lugar. “Ito po ay proseso para mabigyan natin ng pagkakataon ang mga kababayan nating naninirahan o nag-o-operate ng establishment sa loob ng Protected Area na makapagpaliwanag kung bakit sila naroon”, ani RED Tamoria.
 
Noong ika-27 ng Oktubre ay nagsagawa ng pagpupulong ang DENR CALABARZON kasama ang mga katuwang na ahensya kabilang ang DILG4A, PRO4A, DPWH4A, PIA4A, NICA4A, PA at LGUs bilang paghahanda para sa Sabayang Pag-Isyu ng Show Cause Orders (SCOs) sa mga istruktura sa mga Pinangangalagaan Pook at Timberland sa Rehiyon. Bago ang aktibidad ay pinulong rin ng mga Provincial Environment and Natural Resources Officers at Community Environment and Natural Resources Officers ang mga LGUs, Barangays, at counterparts nito sa mga katuwang na ahensya para bigyang linaw ang mga hakbangin at ikasa ang detalye ng aktibidad.
 
Patuloy ang pag-isyu ng SCOs sa tatlong probinsya. Susuriin ng DENR CALABARZON ang mga paliwang at kalakip na dokumentong ipinresenta ng mga may-ari ng mga istruktura. Sakaling ang pananatili o/at pagtatayo ng istruktura ng isang okupante ay iligal, papatawan ang may-ari ng kaukulang Notice to Vacate o/at Cease and Desist Order. Ang may ari ng istruktura ay maaaring pagmultahin o sampahan ng kaso.
 
Ayon sa Section 24 ng DAO 2019-05, ang Protected Area Management Office (PAMO) ay kailangang magsagawa ng imbentaryo ng mga pasilidad sa loob ng Pinangangalagaang Pook. Sa tulong ng DENR, ang PAMB ay maaaring magpatupad ng mga kondisyon hinggil sa operasyon ng mga pasilidad na maaaring magdulot ng masamang epekto sa Pinangangalagaang Pook hanggang sa matalaga ang relokasyon nito. Ang may-ari ng pasilidad ang siyang mananagot mangyaring malabag ang mga kondisyong itinakda.
 
Ang nasabing aktibidad ay pinangunahan ng DENR CALABARZON Regional Office, PENRO Rizal, Laguna at Quezon, CENRO Sta Cruz at Real, sa tulong ng DENR Environmental Law Enforcement and Protection Service (ELEPS), National Bureau of Investigation, DPWH4A, PRO4A, PIA4A, NICA4A, DILG4A, at LGUs. ###