Calamba City, Laguna - Ang Kagawarang ng Kapaligiran at Likas na Yaman ng Rehiyong CALABARZON sa pamamagitan ng CENR Office ng Lipa City, Batangas at Manila Bay Site Coordinating Management Office Batangas ay nagsagawa ng paglilinis sa ilog ng San Juan upang gunitain ang Pandaigdigang Araw ng Tubig o World Water Day noong ika-22 ng Marso 2022. 

Ang aktibidad ay nilahukan ng 56 katao mula sa Barangay 1 (Poblacion), Sto. Tomas, Batrangas; South Luzon Water (Manila Water and MWPV Consortium Subsidiary); Philippine Army; kasama ang mga nakatalagang River Rangers sa nasabing lugar at mga ilang kawani ng PENRO Batangas at DENR CALABARZON Regional Office. 

“Sa araw na ito ipinagdiriwang natin ang World Water Day. Mahalaga ang malinis na tubig na ating iniinom” wika ni PENR Officer Noel M. Recillo. Dagdag pa niya “hindi natin naisip noon na darating tayo sa panahon na ang tubig (na naiinom) ay nabibili na. Ang mga tao ay takot nang uminom ng mula sa gripo dahil sa kontaminasyon ng tubig gawa ng mga Septic Tanks na hindi maayos.”

Hinikayat ni PENRO Recillo na magtulong tulong at magsama sama sa pangangalaga ng ating likas yaman at kapaligiran. Inalala pa niya na noong 1970s, ang ilog ng San Juan ay napakalinis at doon sila naglalaba kasama ang kanyang pamilya. Ibinahagi rin ni PENRO Recillo na ang ilog (San Juan) ay parte ng Manila Bay, sapagkat ito ay umaagos patungo sa Lawa ng Laguna na dumadaloy sa Manila Bay. 

Nakalikom ng 20 sako o higit 300 kilo ng hindi nabulok at residwal na basura ang mga lumahok sa higit kumulang na 100 metro ng ilog. 

Ang DENR CALABARZON ay hinihimok ang publiko na makilahok sa mga gawaing pangkalikasan. Makipag-ugnayan laman sa pinakamalapit na tanggapan ng DENR sa inyong lugar o magpadala ng sulatroniko sa This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it. o tumawag sa 0956 182 5774 / 0919 874 4369. Maaari ring magpadala ng mensahe sa Opisyal na Facebook Page @DENR4AOfficial.###