Calamba City, Laguna - Personal na bumisita si Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy A. Cimatu sa piling field offices sa probinsya ng Quezon noong 25 Oktubre para bigyang pansin ang implementasyon ng iba’t ibang DENR Priority Programs.

Binigyang diin ni Sec Cimatu ang implementasyon ng mas pinaigting na pagtutok sa enforcement at National Greening Program sa probinsya ng Quezon. “Ang priority natin ay magtanim ng puno at protektahan ito” ani Sec. Cimatu. Dagdag pa niya na malaki ang papel ng mga Provincial ENR Offices at Community ENR Offices sa bansa dahil ang mga ito ang nagsisilbing frontliners sa pagpapatupad ng ating mga batas pangkalikasan at  priority programs.

Ayon sa Philippine Forest Statistics na inilabas ng Forest Management Bureau noong 2020, ang probinsya ng Quezon ang mayroong pinakamalaking forest cover sa buong CALABARZON, kung saan ito ay 228,024 hektarya o binubuo nito and higit 80% ng forest cover ng rehiyon. Ayon kay DENR CALABARZON Regional Executive Director Nilo B. Tamoria, ang survival rate ng implementasyon ng NGP sa Probinsiya ng Quezon ay nasa 65%.

Binigyang pagkilala rin ni Cimatu ang inisyatibo ni Honorable Quezon Provincial Governor Danilo E. Suarez sa pagkakaroon ng 24 sanitary landfills sa probinsya pati na rin ang pagpapanatili ng magandang kalidad ng mga ilog sa probinsya sa antas Class A at B. "Makikita natin ang galing ng isang namumuno kapag kaya nitong pamahalaan ang Solid Waste Management System sa kanyang nasasakupan", ani ni Sec. Cimatu.

Patuloy din niyang pinuri ang pamunuan ng PENRO Quezon at CENRO Tayabas, "I am very much impressed by your performance as the DENR here in this province”. Sa kabila nito ay patuloy pa rin ang paghikayat ni Cimatu sa mas pinaigting na implementasyon ng mga batas pangkalikasan para maiwasan ang ilegal na pagpuputol ng puno, pati na rin ang implementasyon ng Republic Act 9003 o Ecological Solid Waste Management Act para naman maiwasan ang pagkakalat ng basura.

Bago mag Marso ngayong taon ay nakapag pasara ang DENR CALABARZON katuwang ang Environmental Management Bureau (EMB) 4A ng apat (4) na open dumpsites sa rehiyon. Dalawa dito ay sa Batangas, at tig isa naman sa Cavite at Quezon.

Ang pagbisita ni Cimatu ay nilahukan nila Undersecretary for Enforcement Benito T. De Leon, DENR CALABARZON RED Nilo B. Tamoria, Quezon Provincial Governor Honorable Danilo E. Suarez, DENR Quezon PENR Officer Cyril A. Coliflores, at DENR Tayabas CENR Officer Raymond A. Rivera.

Hinihikayat ng DENR CALABARZON ang publiko na makiisa sa laban para sa ating kapaligiran. Para sa may mga sumbong ukol sa ilegal na gawain na may kaugnayan sa kalikasan ay maaaring tumawag o magbigay ng mensahe sa 8888 hotline numero 09561825774/ 09198744369 at Trunkline No. (049) 540-DENR (3367) / (049) 554-9840 - 48 local - 121. Ang mga litrato, bidyo, at iba pang impormasyon ay maaari ring ipadala sa opisyal na Facebook page ng DENR CALABARZON:  https://www.facebook.com/DENR4AOfficial/.  ###