Print

Calamba City, Laguna - Mula sa suporta ng Environmental Law Enforcement and Protection Service (ELEPS) at inisyatiba ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) CALABARZON, sa pangunguna ng Enforcement Division, isang tatlong araw na Paralegal Training ang isinagawa at dinaluhan ng mga Deputized Environment and Natural Resources Officer (DENROs) ng buong rehiyon.

Nilalayon ng aktibidad na ito na bigyan ng mas malalim na kaalaman ang mga DENROs ng mga batas pangkalikasan at bigyan sila ng gabay ukol sa tamang paralegal procedure. Binigyan rin ng importansya ang iba’t ibang isyu na kinakaharap ng mga DENRO sa linya ng serbisyo at kung anu-ano ang epektibong mga stratehiya para lutasin ito.

“Ito po ay sa usapin palang po sa kagubatan. Bagamat mayroong mga batas ukol wildlife at enforcement sa illegal wildlife trading, sa kasalukuyan po ay walang dedicated personnel na nakatutuok lamang sa wildlife enforcement. Kaya dito po pumapasok ang halaga ng iba't ibang mga kasamahan natin sa National Government at Enforcement Agencies, sa lokal na pamahalaan at sa pribadong sektor para po makatulong sa sama samang pagkilos para sa mas pinaigting na enforcement ng ating mga ENR laws” ani DENR CALABARZON Regional Executive Director Nilo B. Tamoria.

Ilan sa mga paksa na tinalakay ay ang PD 705 o Revised Forestry Code, as amended, DAO 2008-22 o ang Revised Guidelines on the Deputation of ENROs, RA 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act, RA 11038 o Expanded National Integrated Protected Areas Act, RA 7972 o Philippine Mining Act, RA 9003 o Ecological Solid Waste ActLicensing and Permitting Regulations, at Prosecution of illegal logging cases, wildlife act violations, at iba pang batas pangkalikasan.

Binigyang pasalamat rin ni RED Tamoria ang mga DENRO ng rehiyon, “mahalaga po ang ating mga DENRO dahil kung kami lamang po sa DENR ay hindi po namin matutugunan ang hamon at pangangailangan para sa tuloy tuloy na proteksyon at pagpapatupad ng ENR Laws.”

“Ang amin pong mga kasalukuyang forest ranger at mga enforcement officers ay umaabot ng 4,000 hanggang 5,000 hektarya ang binabantayan. Hindi na po iyon ideal size dahil hindi po biro ang iikutin ng isang forest ranger (ang ganyan kalaking lugar) para mabantayan ang ating kagubatan” dagdag pa ni RED Tamoria.

Ilan lamang sa tungkulin ng DENRO ay ang pagpapatupad ng mga batas pangkalikasan, pagsasagawa ng iba’t ibang Information, Education, Communication (IEC) Campaign na tungkol sa kalikasan, at pagsasagawa ng Administrative Confiscation Proceedings, tulad ng pag iisyu ng apprehension receipts, seizure orders, at notisya ng mga paglilitis.

“Dahil sa napaka lawak po ng sinasaklaw ng ENR laws ay hindi po biro ang magiging responsibilidad at mga nararapat na kakayahan na mayroon po ang isang DENRO. Ang training po natin sa loob ng tatlong araw ay isang mahalagang requirement para matugunan natin ang basic capacity skills ng ating deputized enforcers” lahad ni RED Tamoria.

Ang tatlong araw na aktibidad ay dinaluhan ng 319 na deputized at prospective ENROs sa buong rehiyon na binubuo ng Masungi Georeserve Foundation Inc., 34th Special Action Company, 3rd Special Action Battalion, PNP-SAF Infanta, Quezon, Supreme Task Force Inc., Police Hotline Movement Inc., Mt. Banahaw Forest Protection and Conservation Unit, Southern Luzon State University, PNP-DENR-Anti Illegal Logging Task Force, Provincial Government Office of Public Safety, City at Municipal ENRO ng Sto. Tomas, Tayabas, Rosario, at Cavite, at lokal na pamahalaan ng Bacoor, Liliw, Siniloan, Pakil, Lemery, Liam, Gumaca, Agdangan, General Luna, Pitogo, Calauag, Alabat, Sampaloc, Atimonan, Plaridel, Patananungan, Brangay I at 4 Poblacion, at Pulong Saging.

Binibigyang diin ng kasalukuyang administrasyon na pinapangunahan ni DENR Honorable Secretary Roy  A. Cimatu, ang pagpapalakas ng mandato ng ahensya kaugnay sa enforcement ng iba’t ibang batas pangkalikasan.

Patuloy pa rin ang pagtulak sa pagpapatupad ng ihinain na bill ukol sa pagtataguyod ng Environmental Protection and Enforcement Bureau (EPEB).###