Print

Calamba City, Laguna - Bumisita si Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy A. Cimatu sa Probinsiya ng Laguna para personal na inspeksyunin at pag-usapan ang lagay ng mga lawa at ilog noong 10 Agosto 2021.

Nais bigyang importansya ni Secretary Cimatu ang implementasyon ng legal easement  at ang relokasyon ng mga informal settler families (ISFs). “Let us be clear, there is a law that we need to follow, and that is the easement law. That is our guideline”, ani ng Kalihim.

Kasama sa pagpupulong sina Environment Law Enforcement and Protection Services Director Reuel Sorilla, DENR CALABARZON Regional Executive Director Nilo B. Tamoria,Assistant Regional Director for Technical Services Alfredo C. Palencia,  Environmental Management Bureau (EMB) IV-A Regional Director Noemi A. Paranada, National Power Corporation (NPC) Department Manager Emmanuel A. Umali, Laguna PENR Officer Ronilo L. Salac, In-charge, Office of the Sta. Cruz CENR Officer Bernardita C. Daliva, mga kinatawan ng Cavinti LGU, at ilang residente. Dagdag pa sa pinag-usapan ang ilang environmental concerns na naobserbahan ng Kalihim sa Caliraya-Lumot Watershed.

Pinagusapan rin ang pagbuo ng Caliraya-Lumot Watershed Ecological Community (CLWEC) na binubuo ng DENR, National Power Corporation (NPC), at iba pang stakeholders sa Caliraya-Lumot Watershed Forest Reserve (CLWFR) para sa mas pinagtibay na koordinasyon at pagresolba ng mga isyu ukol sa nasabing pook.

“Asahan po ninyo na ang DENR, sa pamamagitan po ng direktiba ni Secretary, na magtutuloy-tuloy po ang pakikipag-ugnayan namin sa inyo para mas mailagay po natin sa tamang direksyon at konteksto kung paano po natin mamamanage ang Caliraya Watershed ng mas mahusay” dagdag naman ni RED Tamoria.

Masinsing pagpupulong tungkol sa Caliraya-Lumot Watershed Forest Reserve

Masinsing pagpupulong tungkol sa Caliraya-Lumot Watershed Forest Reserve

 

Alinsunod sa Presidential Proclamation No. 572, ang CLWFR ay sumasakop sa labing isang barangay sa loob ng apat (4) na munisipalidad ng Laguna. Ilan sa mga pinagbabawal na aktibidad sa loob ng nasabing pook ay ang (1) pagpuputol at pangongolekta ng anumang produktong gubat ng walang permit, (2) pagpasok, pag okupa, at pagpapastol ng walang kaukulang permit (3) pagsusunog at pagkakaingin, (4) pagbebenta at pagbili ng lupa, (5) pagtatayo ng imprastraktura, at (6) pagtatapon ng mga nakakalasong kemikal at kahit anong basura sa lawa na maaaring maging sanhi ng polusyon sa tubig.

Ang pagpupulong at site visit ay isinagawa ng may ibayong pag-iingat at pagtalima sa mga minimum protocols / health standards na ibinaba ng Inter-Agency Task Force kaugnay sa COVID-19.

Hinihikayat ng DENR CALABARZON ang publiko na makiisa sa laban para sa ating kapaligiran. Para sa may mga sumbong ukol sa ilegal na gawain na may kaugnayan sa kalikasan ay maaaring tumawag o magbigay ng mensahe sa 8888 hotline numero 09561825774/ 09198744369 at Trunkline No. (049) 540-DENR (3367) / (049) 554-9840 - 48 local - 121. Ang mga litrato, bidyo, at iba pang impormasyon ay maaari ring ipadala sa opisyal na Facebook page ng DENR CALABARZON:  https://www.facebook.com/DENR4AOfficial/.  ###