Print

Kamakailan lamang, nagsagawa ng paglilinis sa baybayin at karagatan ng Maragondon, Cavite ang Philippine Coast Guard Auxiliary (PCGA) katuwang ang Provincial Environment and Natural Resources Cavite- Coastal and Marine Management Unit.

Ang mga nakilahok ay mga lisensyadong divers ng PCGA at ilang mga boluntaryo. Tinatawag na scubasurero ang mga tagalinis ng ilalim ng dagat. Ito ay pinagsamang salita na scuba diving at basurero.

Ayon kay Lt. Michael John Encina nais nilang gawing madalas ang paglilinis ng baybayin at ilalim ng karagatan. Dagdag pa niya, ang aktibidad ay may kasabay na iba pang paglilinis sa Brgy. Capipisa, Tanza, Cavite at pagtatanim ng bakawan sa Ternate, Cavite. Aniya, ito ay bahagi ng kanilang pakikiisa sa World Environment Day.

Umabot sa 50 kilo ng basura ang nakolekta. Kabilang dito ang mga hindi nabubulok na basura gaya ng plastik, face masks at mga lambat. Hinihikayat ni DENR CALABARZON Regional Executive Director Nilo Tamoria na mag segregate ng basura sa mga kabahayan pa lamang at magkaroon ng hiwalay na lalagyan para sa mga gamit na face masks upang ito ay hindi humalo sa iba pang residuals.


Kaugnay nito, ang lalawigan ng Cavite ay kasama sa Manila Bay Area, kung kaya’t pinapaigting ang pakikipagtulungan ng iba’t ibang ahensya sa pagbabalik ng sigla ng Manila Bay. Matatandaan na ang PCG ay kabilang sa labintatlong Mandamus Agencies na naatasan sa Manila Bay Rehabilitation noong 2008.       

Para sa mga nais makipag ugnayan sa DENR CALABARZON para sa mga coastal clean up activities, maaari pong sumulat kay RED Tamoria at ipadala bilang sulatroniko sa This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.. Hinihikayat din ng DENR CALABARZON ang publiko na magsumbong ng ilegal na gawain na may kaugnayan sa kalikasan. Lahat ay maaaring tumawag o magbigay ng mensahe sa 8888 hotline numero 09561825774/ 09198744369. Ang mga litrato, bidyo, at iba pang impormasyon ay maaari ring ipadala sa opisyal na Facebook page ng DENR CALABARZON:  https://www.facebook.com/DENR4AOfficial/.  ###