Calamba City, Laguna – Ang Kagawaran ng Kapaligiran at Likas na Yaman (Department of Environment and Natural Resources) CALABARZON, sa pamamagitan ng Manila Bay Site Coordinating/Management Office-4 (MBSCMO-4) ay naglunsad ng “Search for the Best Ecological Garden and Solid Waste Management Practices in Urban and Semi-Urban Barangays” sa Tanauan City, Batangas. Ito nilahukan ng sampung (10) barangay ng Tanauan: Brgy. Ulango, Pantay Bata, Trapiche, Santor, Janopol Oriental, Darasa, Poblacion 1, Poblacion 3, Poblacion 5, at Balele.

 Ang inisyatibo na ito ay naglalayon na pataasin ang kamalayan sa paghihiwalay ng basura, pagkokompost ng nabubulok na basura, at paghahalaman, at pagreresiklo ng iba’t ibang komunidad sa lungsod.

Ang mga kalahok na barangay ay inaasahan na ipakita ang kanilang mga eco-garden gamit ang eco-friendly technologies tulad ng pagkokompost, vermiculture, hydroponics, vertical garden, pagsunod sa 3Rs (Reduce, Reuse, Recycle), at iba pa.

Kaliwa: Hydroponics system ng Brgy. Pantay Bata, Tanauan, Batangas.   Kanan: Compost-pit at vermicompost ng Brgy. Janopol Oriental, Tanauan, Batangas

Kaliwa: Hydroponics system ng Brgy. Pantay Bata, Tanauan, Batangas.         Kanan: Compost-pit at vermicompost ng Brgy. Janopol Oriental, Tanauan, Batangas

 

Isa pang layunin ng inisyatibo na ito ay ang patuloy na paghikayat na bawasan ang basura sa mga komunidad at lungsod ng Tanauan, maging sa buong probinsya ng Batangas, Cavite, Laguna, at Rizal na maaaring makapasok sa mga ilog na konektado sa Manila Bay at upang mabawasan ang mga basura na itinatapon sa mga sanitary landfill. Hinihikayat rin nito na paigtingin ang pagreresiklo, paggawa ng sariling pataba, pagtatanim at pag-aani ng sariling pagkain sa iba’t ibang komunidad.

Ayon sa datos ng Environmental Management Bureau, ang inaasahang basura ngayong 2021 ay tinatayang nasa 3.5 milyon na tonelada para sa buong rehiyon. Noong taong 2019, naitala na 4,700 toneladang basura ang naiipon ng rehiyon araw araw, naitala rin  dito na halos kalahati nito ay nabubulok na basura, gaya  ng mga tirang pagkain, balat ng prutas at gulay, at mga tuyong dahon at sanga. Sa tulong ng pagkokompost at sa paghihiwalay ng basura, maaaring bumaba mula 4,700 tonelada ng basura hanggang 1,291.66 tonelada kada araw.

Ayon kay For. Cynthia Rozaldo, ang kasalukuyang Deputy Regional Coordinator ng MBSCMO-4, isa sa susi para makamit ang mas malinis na CALABARZON ay sa pamamagitan ng tulong at suporta ng ating mga mamamayan sa rehiyon at sa pagkakaroon ng disiplina sa paghihiwalay at pagtatapon ng basura.

Hinihikayat ng DENR CALABARZON ang publiko na simulan na rin ang pagtatayo ng eco garden gamit ang mga patapong bagay at nabubulok na basura para sa ikagaganda ng kapaligiran. Para sa may mga sumbong ukol sa ilegal na gawain na may kaugnayan sa kalikasan ay maaaring tumawag o magbigay ng mensahe sa 8888 hotline numero 09561825774/ 09198744369. Ang mga retrato, bidyo, at iba pang impormasyon ay maaari ring ipadala sa opisyal na Facebook page ng DENR CALABARZON:  https://www.facebook.com/DENR4AOfficial/.  ###