Print

Calamba City, Laguna – Ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) CALABARZON ay magsisimulang magpasara ng mga open dumpsite sa rehiyon, alinsunod sa utos ng DENR Secretary Roy A. Cimatu. Ani Secretary Cimatu,  kailangang ipasara ang lahat ng open dumpsite sa lahat ng rehiyon bago mag-Marso 2021.

Alinsunod dito, ang DENR CALABARZON, kasama ang Environmental Management Bureau (EMB) 4A ay nag-isyu ng Cease and Desist Order (CDO) sa dalawang (2) open dumpsites sa Batangas, noong nakaraang 25 Enero dahil sa paglabag sa Batas Republika (RA Ingles) Blg. 9003 o ang Ecological Solid Waste Management (ESWM) Act of 2000. 

Ayon sa nasabing batas, ang open dumpsite  ay lugar kung saan ang mga basura ay denideposito ng walang maayos na proseso at maaaring makaapekto sa kalikasan at sa kalusugan. Nakasaad sa BR 9003 ang mahigpit na pagbabawal sa operasyon ng mga open dumpsite para tapunan ng mga basura.

 

Pagpapasara ng open dumpsite sa Sto. Tomas, Batangas noong 25 Enero

Ayon kay DENR CALABARZON Regional Executive Director Nonito M. Tamayo, mas paiigtingin pa ang pakikipagtulungan ng Ahensiya sa iba’t ibang Lokal na Pamahalaan para sa mas pinatibay na implementasyon ng BR Blg. 9003. Kaugnay nito ay ang patuloy na pagsasagawa ng mga clean-up activity at mga Information, Education, and Communication (IEC) Campaign. Madiin na hinikayat ni RED Tamayo ang pakikiisa ng bawat isa para mabawasan ang basura na nakokolekta sa mga kabahayan sa pamamagitan ng pakikiisa sa ESWM, katulad ng paghihiwalay, pagreresiklo, at patuloy na pagbabawas ng basura. 

Isa pang operasyon ang isinagawa noong 14 Enero sa isang dumpsite sa Sahud Ulan, Tanza, Cavite. Ito ay pinangunahan nina Undersecretary for Solid Waste Management and Local Government Units Concerns Benny Antiporda, Executive Director ng Task Force Nilo B. Tamoria, Cavite PENR Officer Ronita Unlayao, at iba pang opisyal ng EMB 4A.

Hinihikayat ng DENR CALABARZON ang publiko na magsumbong ng ilegal na gawain na may kaugnayan sa kalikasan. Lahat ay maaaring tumawag o magbigay ng mensahe sa 8888 hotline numero 09561825774/ 09198744369, o ipadala sa email This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.. Ang mga retrato, bidyo, at iba pang impormasyon ay maaari ring ipadala sa opisyal na Facebook page ng DENR CALABARZON: https://www.facebook.com/DENR4AOfficial/.  ###