Print

Sa krisis na dala ng sakit na COVID-19, karamihan sa ating mamamayan ay hinimok na manatili sa loob ng kanilang mga tahanan.  Isa sa mga hamon na dala nito ang pagpapanatili ng suplay ng pagkain na maaring matugunan sa pamamagitan ng paghahardin o pagtatanim ng mga gulay at prutas.

Isang Web-Based Seminar (Webinar) series ang isinagawa sa pangunguna ng DENR CALABARZON at sa pamamagitan ng Manila Bay Site Coordinating Management Office 4A, upang talakayin ang paksa ukol sa pag-aabono, vertical gardening at edible landscaping.

Ang Webinar ay pinangunahan ni Manuel ‘Ka Noli’ Abinales, pangulo at tagapagtatag ng ‘Buklod Tao’, isang samahan ng mga mamamayan sa Brgy. Banaba, San Mateo, Rizal na nagpapatibay sa kakayahan ng mga komunidad na tumugon sa mga sakuna at mapahusay ang kanilang kapaligiran. Naglalayon sila para sa libre, mapayapa, at progresibong pamayanan kung saan ang bawat isa ay may malakas na ugnayan sa Diyos, kapwa tao, Inang Kalikasan, at may kakayahang alagaan ang kanilang sarili sa panahon ng kalamidad.

Sa unang parte ng webinar-series, ibinahagi at tinalakay ang mga paksa tungkol sa saligang paghihiwalay ng basura, partikular sa tamang paghihiwalay ng tirang pagkain at basurang pang-kusina para gawing abono; at saligang paghahardin sa pamamagitan ng ‘urban container’ na may mga ‘risers’ gamit ang abono na nagawa gamit ang basurang pang-kusina.

Nakilahok ang ilan sa mga kawani ng DENR mula sa iba’t ibang probinsiya ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon at iba pang tagapanood, sa pamamagitan ng Facebook livestreaming sa opisyal na facebook page ng DENR CALABARZON. Ito ay lubos na ikinagalak ng nakararami lalo’t ito ay naging pagkakataon para masagot ang mga katanungan ng ating mga mamamayan tungkol sa saganang paghahardin sa pamamagitan ng epektibong paggawa ng abono at klase ng paghahardin.

Ani ng DENR CALABARZON Regional Executive Director na si Gilbert Gonzales – “If everybody knows composting, mababawasan po ang ating basura”. Isang simple ngunit napakahalagang gawain ang composting upang lubos na mabawasan ang basura sa rehiyon.

Sa ikalawang parte ng Webinar-series sa Ika-10 ng Hunyo, ibabahagi ng mga kalahok ang kanilang mga natutunan sa unang parte ng Webinar sa pamamagitan ng pagpapakita ng kanilang ginawang pagkilos at hakbang para mabawasan ang basura sa ating kapaligiran sa pamamagitan ng pag-aabono, vertical gardening at edible landscaping.

Halimbawa ng vertical gardening, kuha sa lektyur ni Manuel 'Ka Noli' Abinales

 

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa Webinar series na ito, mangyaring magpadala sa Manila Bay Site Coordinating Management Office sa pamamagitan ng pag email sa This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it. at i-check ang aming opisyal na Facebook Page @denr4aofficial. ###