Los Baños, Laguna – Isang nakawalang unggoy o Philippine long-tailed macaque ang nahuli sa Brgy. Bambang, Los Baños, ito ay kaugnay sa liham ni Punong Barangay Arlene P. Delos Santos sa PENRO Laguna na mahuli ang unggoy sapagkat ito ay pumapasok na sa mga kabahayan at kinatatakutan ng mga residente na makapanakit o makapangagat.

Nagtungo ang PENRO Laguna sa nasabing lugar upang magtayo ng isang bitag noong Mayo 8, 2023. At ito ay tuluyang nahuli noong Mayo 11, 2023 at napag-alamang isang babae at may bigat na 2.20 kilos. Agad naman itong idinala sa DENR CALABARZON Regional Wildlife Rescue Center sa Brgy. Lamot II, Calauan, Laguna sa kaparehas na araw.##