Print

San Pedro City, Laguna – Kaugnay ng taunang selebrasyon ng Earth Day tuwing ika-22 ng Abril, nag-organisa ng isang clean-up activity ang PENRO Laguna sa pangunguna ng Manila Bay Site Coordinating Management Office (MBSCMO) – Laguna at City Environment and Natural Resources Office (City ENRO) – San Pedro, Laguna na ginanap noong 22 Abril 2023 sa San Isidro River – isang tributaryo ng San Pedro River na matatagpuan sa Brgy. Sto. Niño, San Pedro City, Laguna. Tinatayang 213 na mga kalahok mula sa iba’t-ibang ahensya ng gobyerno, akademya at iba pang mga organisasyon ang tumulong na malinis ang kahabaan ng nasabing ilog. Ayon sa City ENRO San Pedro, humigit-kumulang 5,000 kilo ng basura ang nakolekta sa nasabing clean-up activity (nabubulok – 2,400 kilo, hindi nabubulok – 1,800 kilo & residwal – 800 kilo).

Kabilang sa mga lumahok ang Philippine Public Safety Academy, UP Banahaw, PNP San Pedro City, Bureau of Jail Management and Penology San Pedro City, Bureau of Fire Protection San Pedro City, Laguna Lake Development Authority, City ENRO San Pedro, City Disaster Risk and Reduction Management Office San Pedro, mga opisyal ng Sangguniang Barangay ng Sto. Niño at lokal na komunidad.

Ang tema ng selebrasyon ngayong taon ng Earth Day ay “Invest in our Planet”. Ang nasabing tema ay humihikayat sa lahat na magkaisa na maglaan ng kani-kanyang oras, pera at pagsisikap na mapangalagaan ang mundo at mapanatili ang ganda nito.

Ang San Pedro River ay isa sa 12 major rivers sa lalawigan ng Laguna na siyang tinututukan ng MBSCMO sa ilalim ng programang Manila Bay Rehabilitation.

Sa pamamagitan ng Presidential Proclamation 1481 na nilagdaan noong Abril 10, 2008 ni dating Pangulo Gloria Macapagal Arroyo ay ipinagdiriwang ang Earth Day tuwing ika-22 ng Abril upang iangat ang kamalayan ng mga Pilipino sa pagkasira ng kapaligiran na siyang may direktang epekto sa pang-araw araw na pamumuhay ng bawat Pilipino.###