Patuloy na tinututukan ng Kagawaran ng Kapaligiran at Likas na Yaman sa probinsya ng Cavite ang isinampang kaso laban sa 20 pamilyang iligal na nanirahan sa “forestland areas” sa probinsya.

Ang nasabing kaso ay naisampa noong ika-14 at ika-28 ng Nobyembre 2022 sa Imus Regional Trial Court (RTC) Branch 22. Ang nasabing mga pamilya ay sinampahan ng kaso sa paglabag ng “Section 78 of Presidential Decree 705 as amended by RA 7161, specifically, unlawful occupation of forestlands”.

Sa rehiyon ng CALABARZON, ang probinsya ng Cavite ang may pinakamaliit ngunit maayos na “forestland areas”, kung kaya’t ganoon na lamang ang pagsisikap ng PENRO Cavite upang maprotektahan at mapangalagaan ang nalalabing kabundukan sa probinsya na pinakamalapit sa Maynila.

Noong taong 2021, sa kabila ng “post effect” ng pandemya dala ng COVID19, ang DENR PENRO Cavite ay tuluy-tuloy na nagsagawa ng mas pinaigting na pagbabaybay at pangangalaga ng kagubatan sa buong lalawigan ng Cavite.

Lumabas sa resulta ng monitoring na 46 na pamilya na mayroong 94 na indibidwal ang natukoy na naninirahan sa loob ng “forestland” sa Sitio Mamba, Pinagsanhan B, Maragondon, Cavite. Ang mga natukoy na pamilya ay itinuturing na mga “unlawful occupants” sa kadahilanang sila ay naninirahan sa loob na bahagi ng isang pinangangalagaang pook at mga lugar na forestland. Itong mga lugar na ito ay ipinagbabawal na tirahan ng tao sang-ayon sa Seksyon 78 ng PD 705.

Sa taon ding iyon, ang PENRO Cavite ay nagsagawa ng mga pagpupulong na dinaluhan ng mga pamilya ng “unlawful forest occupants” upang maipabatid sa mga nasabing pamilya na ang lugar na kanilang kinatitirikan ay hindi maaaring tirahan/okupahan ng sinumang indibidwal sa kadahilanang ito ay pinangangalagaang pook at forestland.

Nilinaw rin ng tanggapan ng PENRO Cavite na ang pagdami ng mga illegal settlers sa Sitio Mamba ay nangyari lamang noong kasagsagan ng pandemya, na kung saan sinamantala ng mga “unlawful forest occupants” ang pagkakataong limitado ang pag-galaw at iba pang pisikal na aktibidad ng PENRO Cavite dulot ng mga “lockdowns at quarantine restrictions”. Noong taon ding iyon, ang tanggapan ay nakipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan at iba pang ahensya ng gobyerno upang matugunan ang tamang proseso sa paglisan at pagbibigay ng suporta sa mga “unlawful forest occupants”.

Makalipas ang isang taon (2022), tila balewala ang mga abiso at pakiusap ng PENRO Cavite na sila’y dapat umalis sa lugar. Sunod-sunod na imbitasyon ng pagpupulong at konsultasyon ang isinagawa ng opisina alinsunod na rin sa tamang proseso sa mga nasabing pamilya, ngunit ito’y kanilang ipinagsawalangbahala.

Noong ika-04 ng Oktubre 2022, isinagawa ang “clearing operation” kasama ang DILG Cavite; PG-ENRO; LGU Maragondon; MENRO Maragondon; DENR 4A Enforcement Division; DENR 4A Legal Division; ELEPS; PNP Maragondon; at Barangay Officials ng Pinagsanhan B. Ang clearing operation ay nagresulta sa pagbuwag sa 12 abandonadong kubo, habang 32 pamilya naman ang tumangging umalis sa nasabing lugar, at 2 ang nag “self-demolish” ng kanilang kubo.

20 pamilya mula sa 32 na tumangging umalis sa lugar ay nakapaloob sa forestland habang ang natitirang 12 naman ay nasa loob ng pinangangalagaang pook ng Cavite (Mts. Palay-Palay Mataas-Na-Gulod Protected Landscape).

Sa ngayon, ang “unlawful forest occupants” sa loob ng forestland na mayroong kabuuang bilang na 20 pamilya ay kasalukuyang dumaraan na sa mga hearings sa fiscal/prosecutors office. Sa kasalukuyan, 19 na pamilya ang nag-comply o sumunod na sa usapan na mag self-demolish habang ang isa ay tumangging sumunod sa nasabing instruksyon at kasalukuyang naninirahan pa rin sa lugar. Ang kaso sa 19 na pamilya ay maaari ng i-dismiss ng piskal pero ang tanggapan ng PENRO Cavite ay maaari paring magsampa ng kaso sakaling bumalik ang nasabing pamilya sa forestland. Ang natirang isa naman ay tuluyang sinampahan ng kaso sa higher court.

Karagdagan pa rito, ang 46 na pamilya ay inasistihan ng PENRO Cavite na mabigyan ng ayudang pinansyal na mula sa LGU/Office of the Mayor ng Maragondon. Ang mga nasabing pamilya ay nagmula sa legitimate o bonafide list ng PENRO Cavite.

Sa kabilang banda, kasalukuyang inaayos ng PENRO Cavite ang mga dokumento para sa kasong isasampa naman sa 12 pamilya na nakapaloob sa pinangangalagaang pook. ###