Opisyal ng nilagdaan ang Memorandum of Partnership Agreement sa pagitan ng DENR at Lokal na Pamahalaan ng Nagcarlan, Laguna para sa implementasyon ng Rapid Land Tenure Appraisal sa Office of the Municipal Mayor, Nagcarlan, Laguna.

Ang RLTA ay isang proseso ng pagkuha ng malinaw na datos at impormasyon sa sitwasyon ng pagmamay-ari ng lupa bago ito ipasok sa operasyon ng pagpapatitulo ng lupa ng isang lugar. Kabilang sa mga inisyal na hakbangin ng aktibidad na ito ay ang pagsasagawa ng aktuwal na pangangalap ng datos bawat barangay sa pamamagitan ng house-to-house approach; pakikipanayam sa mga nagmamay-ari ng lupa upang punan ang mahahalagang impormasyon para sa pag-update ng Profile ng Land Tenure; at pagtukoy ng bilang ng mga lote na maaring ipasok sa pagpapatitulo ng lupa.

Sa nasabing MOPA, idinetalye ni OIC, CENRO Venerando U. Garcia ang kahalagahan ng tungkulin at responsibilidad ng DENR at Lokal na Pamahalaan ng Nagcarlan, Laguna upang makamit ang layunin ng RLTA. Idiniin ni CENRO Garcia na handa at bukas ang tanggapan ng DENR na ibigay ang anumang tulong teknikal at suporta sa bayan ng Nagcarlan, Laguna.

Ayon kay Regional Executive Director Nilo B. Tamoria, “Ang MOPA ay nagsisilbing tulungan sa sharing of information. Sa pamamagitan ng MOPA ay mapapaunlad natin ang impormasyon na maaaring hindi lang gamit sa pagpapatitulo kundi sa iba pang mga economic activity”. Dagdag pa ni RED Tamoria, sa pamamagitan ng pagpapatitulo ng lupa ay masisiguro natin ang security of tenure kung saan makakamit ang peace and order at maiiwasan ang anumang pagkamkam ng lupa. Bukod dito ay mapapabuti rin nito ang economic standing ng isang indibidwal at bayan sa pamamagitan ng better appraisal and valuation sa taxation system nito.

Samantala, lubos na nagpasalamat si Municipal Mayor Elmor Vita at nakasama ang kanilang bayan sa nasabing programa upang mapabilis ang pagproseso ng pagpapatitulo sa mga lupain sa kanyang nasasakupan.

Ang paglagda sa MOPA ay dinaluhan nina PENRO Eriberto B. Saños, TSD Divina A. Villaluz, OIC, CENRO Venerando U. Garcia, ABC President Rodel Dorado, Municipal Assessor Joyce Mateo, Vice Mayor Rexon V. Arevalo, Mayor Elmor V. Vita at RED Nilo B. Tamoria.