Print

Ngayong taon, nakatakda ang pagsubaybay ng Conservation and Development Section (CDS) sa siyam (9) natukoy na mga Migratory Bird Sites na matatagpuan sa mga bayan ng Lumban, Pakil, Calauan, Siniloan, Pagsanjan at Lungsod ng San Pablo sa lalawigan ng Laguna.

Ayon sa pagsubabay, may 33 na mga migratory bird species ang naitala sa mga nasabing tukoy na mga Migratory Bird Sites. Sampung (10) species mula dito ay migrante, 18 ang residente, apat (4) ang migrante at residente at isa (1) naman ang endemic.

Naitala sa bayan ng Lumban ang may pinakamataas na samu’t saring migratory bird species na matatagpuan. Samantala, naitala naman sa Calibato Lake ng Lungsod ng San Pablo ang may pinakamaraming bilang na naobserbahan na may kabuuang bilang na 880. 

Bilang pagkukumpara sa nakalap na datos noong 2021, tumaas ng 53.02 % mula 1,694 na bilang ay naging 3, 195 ang mga naobserbahan.

Ayon sa obserbasyon tumaas ang bilang ng mga migratory birds dahil sa 1) impluwensya ng temperatura at kondisyon ng panahon, 2) kamakailang pag-araro sa mga palayan na nagbibigay ng mga pagkain tulad ng insekto, maliliit na isda, mollusk, bulate at iba pang mga damo, at 3) pagkakaroon ng mga fish cage sa mga Lawa ng Calibato at Sampaloc na pinagmumulan ng pagkain ng mga migratory birds.

Sa susunod na taon, nakatakda ang pagsasagawa ng muling pagsusuri sa mga natukoy na mga Migratory Bird Sites at pagtukoy ng mga karagdagang Migratory Bird Sites.